Laro ngayon
(MOA Arena)
7 n.g. – SMB vs Ginebra
OPPO-PBA Philippine Cup title, pag-aagawa ng Beermen at Kings.
KAPWA dumaan sa matandang kawikaan na butas ng karayom ang defending champion San Miguel Beer at Barangay Ginebra kung kaya’t maituturing na pantay – sa kakayahan at kumpiyansa – ang dalawang may pinaka-matapat na crowd sa Philippine basketball.
Asahan ang hagupit at walang patumanggang labanan ng lakas sa bawat ball possession sa paglarga ng Game One sa best-of-seven championship ng OPPO-PBA Philippine Cup ngayon sa MOA Arena.
Masasaksihan ang isa pang klasikong hidwaan ganap na 7:00 ng gabi.
Ito ang unang pagtatapat na tinaguriang ‘sister team’ sa liga mula nang magsangga ang kanilang landas sa 2009 PBA Fiesta Conference na pinagwagihan ng Beermen. Sa kabuuan, naglaban sa championship ang SMB at Ginebra sa limang pagkakataon.
Nagwagi lamang ang Kings kontra Beermen sa Finals noong 2006-07 Philippine Cup.
Sa media conference nitong Miyerkules, inamin ni Ginebra coach Tim Cone na pasanin niya kung papaano mapipigil si Beermen giant Junemar Fajardo.
“That’s going to be my job…to formulate some ideas, but I don’t even have a plan yet to stop June Mar. I’m not even sure if there is a plan to stop him. I don’t think even Phil Jackson will figure out how to stop June Mar,” pahayag ni Cone.
Aminado siyang tinik sa lalamunan ng Kings ang 6-foot-9 three-time MVP.
"Actually, I don't know. I am not even sure if there's a plan to stop him (Junemar).We're just going to try to limit him as much as we can," pahayag ni Cone. "You really can't stop him."
Moog ni coach Leo Austria si Fajardo at simple lamang ang magiging plano niya para rito.
“Malimit yung foul niya. Pag nasa loob si Junemar, kampante ang buong team, sigurado ‘yan,” sambit ni Austria.
Nakakuha naman ng kasangga ang Kings sa kanilang dating import na si Justine Brownlee.
Ayon sa American import, nagbigay ng titulo sa Ginebra matapos ang walong taong pagkauhaw, na malaking problema si Fajardo, ngunit kumpiyansa siya sa kakayahan ng kanyang mga kasangga.
“They can win, I’m sure about that,” pahayag ni Brownlee, kasalukuyang naglalaro bilang import ng Mighty Sports-Philippines sa Dubai International. (Marivic Awitan)