NAKALULUNGKOT ang sinapit ng isang grupo ng mga college student na nakibahagi sa school outing sa Tanay, Rizal, nitong Lunes.

Labing-apat na estudyante ng Bestlink College of the Philippines ang namatay sa insidente, habang 30 iba pa ang malubhang nasugatan.

Halos mabaliw ang magulang ng mga estudyante sa sinapit ng kanilang mga anak na walang kalaban-laban nang sumalpok ang sinasakyang tourist bus sa isang poste ng kuryente.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang bus kaya ito bumulusok sa mababang bahagi ng kalsada bago sumalpok sa konkretong poste.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Marahil ay hindi na bago sa mga residente sa lugar ang ganitong uri ng aksidente.

Kilala ang tinaguriang “Tanayburgring” bilang isa sa mga mapanganib na lugar sa Rizal. Ito’y dahil sa mga nagkakarerang motorsiklo at kotse na dumarayo rito, kadalasan tuwing Linggo.

Kung napapadpad kayo sa lugar na ‘yan, madalas na may bubulaga sa iyong mga motorsiklo o kotse na kinakain ang kabilang bahagi ng kalsada dahil sa tulin ng takbo sa mga kurbada.

Maganda ang kondisyon ng national highway ng Tanay kaya maraming sasakyan ang humahataw doon. Ito rin ang dahilan kung bakit ito binansagang “Tanayburgring” na, na halaw sa Nurburgring race track sa Germany, kung saan nagkakarera ang magagarang sports car.

Hindi na rin bago sa mga residente ng Tanay na halos kada linggo ay may namamatay na motorista sa lugar dahil sa aksidente.

May makikita kayong mga rider na nakasuot pa ng racing leather, ala Valentino Rossi, at kung humataw sa lugar ay parang wala nang bukas. Sa itsura pa lang ng kanilang mga riding gear, alam n’yo na ang mga ito ay handang magpakamatay sa pakikipagkarera.

Ayon sa ilang rider, malaki ang pustahan sa karera ng motorsiklo kaya nagiging libangan ito ng mga residente.

Subalit sa kabilang dako, pikon na ang mga may-ari ng resort at bahay sa kahabaan ng Tanay Road dahil maging sila ay posibleng masangkot sa aksidente dahil sa mga barumbadong motorista.

Kamakailan, nakahalubilo ni Boy Commute si Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre at aburido na rin ito dahil sa dumadaming motorcycle-related accident sa Tanay.

Ayon kay Asec Ricky, plano niyang makipag-ugnayan sa ilang ahensiya ng pamahalaan upang mahigpit na maipatupad ang speed limit sa Tanayburgring.

Si Asec Ricky ang nagpupursige na maisakatuparan ang Moto Tourism, kaya mahalaga sa kanya na maipatupad ang disiplina sa hanay ng mga rider. Aniya, handa siyang makipagpulong sa mahigit 30 resort owner sa Tanay para sa hakbang na ito.

(ARIS R. ILAGAN)