NAGHIHINALA ang taumbayan sa posibilidad na baka may kasunduan o usapan ang Duterte administration at si umano’y Pork Barrel Queen Janet Lim-Napoles matapos biglang sumulpot at magrekomenda ang Office of the Solicitor General (OSG) na ipawalang-sala siya sa crime of serious illegal detention. Nagrekomenda ang OSG, sa pamamagitan ni SolGen Jose Calida, sa Court of Appeals para sa acquittal ni Napoles sa serious illegal detention laban sa kanyang pinsan (second cousin) na si Benhur Luy. Si Luy ang pork barrel scam whistle-blower laban kay Napoles.

Mismong mga opisyal ng administrasyon ang nagsasabi na maaaring magamit si Napoles bilang state witness laban sa “malalaking personalidad” na alyado ng PNoy administration na hinayaang “nakaligtas” sa P10 bilyon scam. Tanging sina ex-Sens. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla ang napagdiskitahan at nakulong. Ito marahil ang dahilan kung bakit takot na takot ang mga mambabatas kay Duterte dahil baka sila makasama sa “public shaming style” nito.

Maraming senador, kongresista at cabinet officials ni ex-Pres. Noynoy Aquino na umano’y sangkot din sa P10 bilyon scam ang hindi man lang “natanggi” tungkol sa anomalya o kaya’y nakasuhan. Sila JPE, Bong, at Jinggoy ay tinawag pa noon bilang Tanda, Pogi at Seksi. May hinala ang mga Pinoy na napag-initan sila ni PNoy dahil may kimkim na galit ang binatang dating Pangulo laban sa kanila.

Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na sinusuportahan at itinataguyod ni President Rodrigo Duterte ang malayang pamamahayag o freedom of expression kasunod ng prayer rally na inorganisa ng Catholic Church na dinaluhan ng 10,000 katao noong Sabado.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang prayer rally (Walk for Life) ay pagpapahalaga sa buhay na kaloob ng Diyos at bilang protesta sa restorasyon ng death penalty na isinusulong ng Duterte administration at ng Kamara. Tutol din sila sa extrajudicial killings (EJKs) at human rights violations (HRVs) kaugnay ng drug war ng Du30 admin na basta na lang binabaril at pinapatay ang pinaghihinalaang drug pushers at users nang walang due process tulad ng ibinibigay na tsansa sa mayayaman at impluwensiyang drug lords/suppliers.

“Pinapayagan ng Pangulo ang freedom of expression at isa ito (prayer rally) sa pinapayagan. Bahagi ito ng democratic dynamics,” ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella nang tanungin tungkol sa “Walk for Life” na ginanap sa Quirino Grandstand.

Naghahamunan sina President Rody at Sen. Antonio Trillanes IV tungkol sa umano’y tagong yaman ng Pangulo. Sinabi ng dalawa na sino man sa kanila ang mapatunayang nagsisinungaling ay magbibitiw sa puwesto. May alegasyon si Trillanes na may P2 bilyon si Mano Digong na nakadeposito sa mga bangko na natamo niya sa hindi tamang pamamaraan. Pinabulaanan ito ng Pangulo at inatasan ang Anti-Money Laundering Council na ihayag sa publiko ang kanyang net worth.

Hindi bilib ang senador sa utos na ito ng Presidente. Ang gusto niya ay mag-isyu ng waiver sa BPI para suriin ang history ng kanyang mga transaksiyon mula noong 2006 hanggang 2015. Hintayin at abangan natin ang susunod na kabanata sa bakbakanng ito ng Pangulo at ng Senador.