MATAPOS mabigong mabigyan ng kampeonato ang San Sebastian College sa katatapos na indoor volleyball competition, muling magtatangka sina Grethcel Soltones at Alyssa Eroa kasama ng alternate na si Daurene Santos na mabigyan ng titulo ang kanilang eskuwelahan sa gagawin nilang pagtatanggol ng hawak na korona sa women’s division sa NCAA Season 92 beach volleyball competition na magbubukas ngayon sa Subic Baywalk sa Olongapo City.

Sisimulan nina Soltones, siya ring reigning MVP ng torneo, ang pagtatanggol sa kanilang titulo kontra Mapua na binubuo naman nina Shaira Mae Hermano, KImberly Joy Luzon at Danielle Marie Ramilo.

Magkakasabay na magsisimula ang laban sa tatlong dibisyon pagkatapos ng isang simpleng opening rites na dadaluhan ng mga miyembro ng NCAA Management Committee sa pamumuno ni event host Hercules Callanta ng Lyceum of the Philippines ganap na 7:00 ng umaga, kung saan ididepensa rin ng San Sebastian ang titulo sa juniors division habang ipagtatanggol naman ng Mapua ang titulo sa men’s division.

Kapwa graduate na ang nagkampeong tandem nina Philp Bagalay at John Cuzong, maiiwan sa kanilang mga bagong manlalaro na sina Sam Damian, Alfred Pagulong at Rey Andaya ang misyon na maibigay sa Cardinals ang back-to-back men’s title.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

(Marivic Awitan)