Inihayag kahapon ng Commission on Higher Education (CHED) na magpapatupad ito ng moratorium sa lahat ng educational tour at field trip sa lahat ng pampubliko at pribadong Higher Education Institutions (HEIs) kasunod ng aksidente sa bus sa Tanay, Rizal na ikinasawi ng 13 estudyante at ikinasugat ng maraming iba pa, nitong Lunes.

Sa isang press conference, sinabi ni CHED Commissioner Prospero de Vera III na nagpasya ang Commission En Banc na magpalabas ng moratorium sa lahat ng “out of town, out of school field trips of all colleges and universities” hanggang sa matapos ang imbestigasyon sa aksidente.

Aniya, ang moratorium—na ilalabas ngayong hapon o bukas ng umaga—ay makatutulong din upang magkaroon ng sapat na panahon ang CHED na suriin ang mga umiiral na polisiya sa mga field trip na dapat na sundin ng lahat ng HEI.

Sakay ang mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines sa Panda Coach tourist bus (TXS-325) patungo sa isang medical at survival training na bahagi ng National Service Training Program (NSTP) nitong Lunes ng umaga, nang

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

mawalan ng preno ang sasakyan hanggang sumalpok sa isang poste ng kuryente sa Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal.

Labinlimang katao ang nasawi sa trahedya, kabilang ang driver ng bus na si Julian Lacorda, Jr., na naputulan pa ng kamay at paa.

Kinilala ni Tanay Police chief Supt. Christopher Dela Peña ang iba pang nasawi na sina Gerry Bernandino, Jeid Cabino, Elmer Cabrera, Jonahfay Cerezo, John Michael Dagondon, Arneline Galauram, Eman Gel Garinto, Charlie Magdaong, Robert Kenneth Pepito, Hasmin Samauna, Princess Nina Sentonis, Lovely Siringan, Jemerson Mesicula at Mark Dave Baday.

Mahigit 30 iba pang estudyanteng pasahero ang nasugatan at malubha ang lagay ng ilan sa kanila.

TUTUKUYIN ANG DAPAT MANAGOT

Inatasan din ni Labor Secretary Silvestre Bello III si Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 4-A Director Zenaida Campita na agad magpadala ng Quick Response Team (QRT) upang suriin ang sitwasyon at matukoy kung ang kumpanya ng bus o ang may-ari nito ay sumunod o lumabag sa occupational safety and health standards.

Sinabi naman ni CHED Commissioner De Vera na sa pamamagitan ng ipinasusumite nilang incident report ay tutukuyin nila ang mga pananagutan ng Bestlink sa aksidente, partikular kung nakasunod ito sa Memorandum Order No. 17 ng komisyon tungkol sa mga regulasyon sa mga field trip at educational tour.

MASUSING IMBESTIGASYON

Tiniyak din ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda Acosta sa mga kaanak ng mga nasawi na bibigyan nila ng libreng serbisyong legal ang mga ito laban sa may-ari ng Bestlink.

Kaugnay nito, pormal nang inihain kahapon ni Senator Paolo “Bam” Aquino IV ang resolusyon na humihiling sa Senado na imbestigahan ang aksidente.

Inihain ni Aquino, chairman ng Senate committee on education, arts and culture, ang Senate Resolution No. 297 kasabay ng pagsuporta niya sa ilalabas na moratorium ng CHED.

(May ulat nina Mina Navarro, Rommel Tabbad at Hannah Torregoza) (MERLINA HERNANDO-MALIPOT at MARY ANN SANTIAGO)