TALAGANG ang mga mamamayan ay nagulat sa biglang pagsulpot ng Office of the Solicitor General (SolGen) na naghain sa Court of Appeals (CA) ng isang “manifestation in lieu of rejoinder” na nagrerekomenda umano sa acquittal o pagpapawalang-sala kay businessman Janet Napoles tungkol sa krimen ng serious illegal detention sa whistleblower na si Benhur Luy.

Si Luy ay testigo o state witness laban kay Napoles tungkol sa kasong plunder tungkol sa kanya umanong ghost projects na pinaglagyan ng bilyun-bilyong piso (P10 bilyon) na pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga senador at kongresista. Lumalabas na ang mga proyekto ng mga mambabatas ay pawang “multo” at hindi mga tunay kung kaya nasayang lang ang P10 bilyong pondo na bigay ng gobyerno.

Layunin ng pamahalaan, ayon kay Solicitor General Jose Calida, na matamo ang hustisya tungkol sa serious illegal detention laban sa umano’y Pork Barrel Queen na si Janet Napoles na hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo (40 taon) ng Makati Regional Trial Court noong Abril 14,2015. Naniniwala si SolGen. Calida na dapat mapawalang-sala si Napoles sa krimen na hindi naman niya ginawa. Hindi raw ikinulong ni Napoles si Benhur Luy. Abangan na lang natin kung bakit ang SolGen na dapat ay abogado ng gobyerno ay lumalabas pa ngayong kontra sa gobyerno at pinapanigan ang kalaban nito.

Lagi nang sinasabi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na sila ay pro-people o para sa taumbayan. Gayunman, kung totoo ang mga balita na pinagbabaril ng NPA ang isang convoy na magkakaloob ng relief assistance sa mga biktima ng lindol sa Surigao del Sur noong Martes, ito ay patunay na hindi sila para sa kabutihan at kagalingan ng mga mamamayan. Para sa military, ang gayong pag-atake ng NPA rebels sa convoy vehicle na lulan ang mga miyembro ng 30th Infantry Battalion at volunteers mula sa ABS-CBN Foundation sa Barangay Linunggaman, San Francisco, ay maliwanag na “act of treachery” o kataksilan sa mga Pinoy.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinabi ni Capt. Joe Patrick Martinez, spokesman ng Army’s 4th Infantry Division, na tumanggap sila ng mga ulat na ang NPA Militia ng Bayan ang responsable sa pag-atake, batay sa pag-amin ng isang Ka Lukas ng Sangay ng Partido Pampropaganda sa dayalogo sa mga residente ng Barangay Mat-I sa Surigao City.

Sa kabila ng pagkaasar ni President Rodrigo Duterte sa US dahil sa komento noon ni ex-US Pres. Barack Obama sa extrajudicial killings at human rights violations ng Duterte admin kaugnay ng giyera nito laban sa ilegal na droga, kinumpirna naman nina DFA Sec. Perfecto Yasay Jr. at US Pacific Command Chief Admiral Harry Harris, Jr. ang pananatili ng malakas at mahusay na relasyon ng dalawang bansa. Ang dalawang opisyal ay parehong Junior (Jr).

Ayon sa DFA, ang Amerika ay patuloy na kikilos at magtatrabaho... “constructively and productively with the Philippines despite persistent human rights concerns under Duterte administration.” Sina Yasay at Harris ay nagkita at nag-usap sa USPACOM headquarters sa Camp Smith sa Hawaii noong Biyernes. Na-quote din si Harris ng DFA na magtatrabaho ang US kasama ang Armed Forces of the Philippines hinggil sa “humanitarian assistance and disaster relief operations, counter-terrorism and transnational crime operations.”

Nililinis at pinupurga ngayon ni PNP Chief Director General Roland “Bato” dela Rosa ang organisasyon upang mapalayas ang mga rogue cops na nagbibigay-batik sa imahe ng buong PNP. Ipinatigil ni Mano Digong ang Operation Tokhang laban sa illegal drugs sapagkat nagagamit ito ng mga tiwaling pulis sa Operation for Ransom, tulad ng ginawang pagdukot-pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick-Joo na sa loob pa mismo ng Camp Crame ginawa ng krimen. (Bert de Guzman)