Tinawag ni Pangulong Duterte na “pure garbage” ang mga alegasyon laban sa kanya ni Senator Antonio Trillanes IV, at sinabing inatasan na niya ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ilabas ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanyang net worth.

Sa pagtatalumpati sa harap ng alumni ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1967, na isa siyang honorary member, binigyang-diin ng Pangulo na iniutos niya ito upang matapos na ang pagkuwestiyon sa kanyang mga ari-arian sa usaping muling binuhay ng senador.

Binigyang-diin din niya na hindi niya kailanman bibigyan ng kahihiyan ang PMA Class 1967, na nag-adopt sa kanya.

“Kaya ang gusto ko lang sabihin sa inyo, it’s politics again. It’s a rehash of what they… it is pure garbage,” bahagi ng speech ni Duterte sa Cordillera Convention Hall ng Baguio Country Club nitong Biyernes ng gabi.

Mapayapa, nagkakaisang Pilipinas 'di matitinag, babangon sa gitna ng hamon—VP Sara

“But you know, I’m President. I’ve ordered AMLC and everybody to give information what’s my worth in this, in terms of pesos, in this planet.”

Muli ring nanindigan ang Presidente na kung sinuman sa mga miyembro ng kanyang pamilya, o maging siya, ay mapatutunayang may ilegal na yaman, makasisiguro, aniya, ang mga tao sa magbibitiw siya sa puwesto.

Sinabi pa ng Pangulo na wala siyang anumang voucher na pinirmahan para sa ekstrang benepisyo o allowance, at tanging ang suweldo lamang niya bilang pangulo ang kanyang tinatanggap.

Tiniyak ng Pangulo na mas magiging matindi pa ang kampanya ng gobyerno laban sa kurapsiyon at kailangan aniyang magsilbing halimbawa siya sa publiko.

‘POLITICAL BLUFF’

Tinawag naman ni Trillanes na “political bluff” ang nasabing pahayag ng Pangulo at maihahalintulad sa panloloko.

Paliwanag ni Trillanes, hindi naman kumikilos ang AMLC kung walang formal written request, at sakaling mayroon man ay sadyang wala sa mandato nito ang tumukoy sa net worth ng sinumang opisyal.

“Political bluff lang ‘yang panawagan niya sa AMLC, kasi alam niya na hindi naman ito gagalaw basta-basta nang walang formal written request. At kahit na meron man, hindi mandato ng AMLC na magbilang ng net worth ng sino man,” saad sa text message ni Trillanes.

“Kaya ang pinakamadali ay pumirma siya ng waiver ng bank secrecy na addressed sa bangko para makita ng publiko ang transaction history ng mga accounts niya,” giit pa ni Trillanes. (Beth Camia, Leonel Abasola at ng PNA)