Maraming nilabag na patakaran ang House Technology Industries (HTI) sa Cavite Export Processing Zone (CEPZ) kaya ito nasunog, batay sa report na inihanda ng labor advocate group na Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR).

Ang nasabing report ay taliwas na inisyal na ulat na inilabas ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), nangangasiwa sa CEPZ, katuwang ang pamahalaang panglalawigan ng Cavite, na nag-aabsuwelto sa HTI sa hindi pagsunod sa occupational safety and health standards (OSHS).

Base sa resulta ng National Fact Finding Mission (NFFM), sa pamumuno ng CTUHR at siyam na iba pang militanteng grupo, kulang sa fire exit ang pabrika ng HTI.

Binigyang-diin din sa nasabing report na nakakandado ang iilang fire exit nang mangyari ang sunog nitong Pebrero 1, na ikinamatay ng tatlo at ikinasugat ng mahigit 120 empleyado.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Binanggit din sa CTUHR report ang hagdanan sa nasabing gusali, na sinasabing “too narrow” para sa mga empleyadong nataranta sa sunog, bukod sa kulang din ang automatic sprinkler system at fire enclosure.

Bukod pa rito, nakasaad din sa report na nilabag ng HTI management ang general labor standards sa pagpapatrabaho sa mga empleyado nang higit sa kinakailangang oras (overtime) at hindi pagpapahintulot sa mga bagong manggagawa na makiisa sa labor unions.

“The initial findings of the NFFM suggests that there is an apparent attempt on the part of the HTI management, the Philippine Economic Zone Authority, the Cavite LGU and, to certain extent, Department of Labor and Employment Regional Office to hide the actual number of casualties and the possible occupational safety and health and labor standards violations,” ayon sa CTUHR.

“We will recommend the necessary sanction against HTI if it will be proven it has violated the law,” sabi naman ni Labor Undersecretary Joel Maglunsod. (Samuel P. Medenilla)