SA utos ni President Rodrigo Roa Duterte ay sinimulang muli ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang offensive operations laban sa New People’s Army (NPA) matapos itigil ang unilateral ceasefire o tigil-putukan sa mga rebelde.

Dahil dito, dalawang rebelde agad ang dinakip sa Davao City samantalang dalawang sundalo at dalawang NPA ang nasugatan sa magkahiwalay na sagupaan mula noong Linggo.

Dinakip ng mga tauhan ng Army-led Task Force Davao sa checkpoint sa Barangay Sirawan, Toril, Davao City si NDF consultant Ariel Arbitrario at NPA liaison officer Roderick Mamuyac. Inutos din ni Pres. Rody sa Philippine National Police na arestuhin ang mga miyembro ng CPP-NPA-NDF. “Inutos ng Pangulo na dakpin sila paglapag sa Pilipinas,” sabi ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa.

Binasa niya ang mga pangalan ng 12 NDF consultant na aarestuhin. Sila ay sina Benito at Wilma Tiamzon, Vic Ladlad, Afelberto Silva, Alfonso Jazmines, Alfredo Mapano, Loida Magpatoc, Pedro Cudaste, Ruben Salota, Ernesto Lorenzo, Porfirio Tuna, Renante Gamara, at Tirso Alcantara. Ang mga consultant na nakabalik na sa bansa mula sa Oslo, Norway o Rome, Italy, ay hahanapin ng mga pulis at sila’y darakpin, ayon kay Gen. Bato.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Samantala, sinabi ni NDF senior political adviser Luis Jalandoni na hindi basta-basta maaaring dakpin ang mga consultant hanggang walang written notice mula sa gobyerno ng Pilipinas na tinatapos na nito ang peace talks. Ayon sa kanya, kailangan muna ang isang buwan upang magkabisa ang arrest warrant laban sa kanila batay sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

Patuloy ang lumalagablab na “word war” sa pagitan ng Simbahang Katoliko at ni PDu30 kasunod ng matinding pagbatikos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa isinusulong na drug war ng machong Presidente. Sa sermon o homily ng mga pari noong Linggo, ipinangaral nilang ang pagpatay sa mga pusher at user ay hindi solusyon upang ganap na masugpo ang salot ng bawal na gamot sa ‘Pinas. Dahil dito, inakusahan ng Palasyo ang Simbahang Katoliko ng “out of touch with the sentiments of the faithful.”

Inihayag noong Lunes na Mano Digong na nag-text sa kanya si Kris Aquino, kapatid ni ex-Pres. Noynoy Aquino, at nakiusap na huwag niyang ipakulong ang sino man kaugnay sa Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 PNP-SAF commando.

“Si Kris nagtext sa akin. Huwag ko raw ipakulong si..... Sabi ko, no Kris. I am not out to find faults. I just want to know the truth.” Hindi raw niya ugali na ipabilanggo na nasa kabilang bakod ng political party na hindi niya kapartido. Sabi ng kaibigan ko: “Sabihin mo ‘yan kay Sen. Leila de Lima. Siya ay kabilang sa Liberal Party na kalaban mo.”

Naniniwala ang taumbayan na ang ipinakikiusap ni Kris na huwag ipakulong ay si ex-PNoy, bunsod ng pagkamatay ng 44 tauhan ng SAF sa Mamasapano tragedy noong Enero 25 na isinisisi kina Noynoy, ex-PNP chief Alan Purisima at ex-SAF Director Getulio Napeñas. (Bert de Guzman)