TINAPOS na ni President Rodrigo Roa Duterte ang usapang-pangkapayapaan sa komunistang grupo sa Pilipinas matapos ang sunud-sunod na pag-ambush, pagpatay at pagdukot sa mga sundalo at pulis sa ilang bahagi ng bansa. Gayunman, nagbigay ng siya ng kondisyon na maaaring muling magkaroon ng peace talks kung may “compelling reason”. Hindi niya binanggit kung ano ang masidhi at mabigat na dahilan upang muling buhayin ang usapan.
May palagay si Mano Digong na ang kapayapaan ay posibleng hindi matamo sa “ating henerasyon.” “Peace with the communists might not come in this generation.” Nais ng CPP-NPA-NDF na palayain ng Pangulo ang nalalabing 400
political prisoner na hanggang ngayon ay nakakulong, pero tutol dito si PDu30. Marami na raw siyang pinalayang lider-komunista, kabilang ang mag-asawang Tiamzon na dalawang pinakamataas na pinuno ng CPP-NPA sa Pilipinas, at iba pa na pinayagan pa niyang magpunta sa Oslo, Norway sa Rome, Italy para lumahok sa peace negotiations.
Determinado si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa na linisin at patinuin ang PNP mula sa mga rogue cop na nagbibigay ng kahihiyan sa kanya at kay Pres. Rody. Nilagdaan na niya ang isang memorandum hinggil sa paglikha ng anti-scalawag unit na kung tawagin ay Counter-Intelligence Task Force (CITF). Ito ang tatanggap ng lahat ng reklamo at impormasyon tungkol sa mga tarantandong pulis na sumisira sa PNP. Binuwag na niya ang anti-illegal drug group (AIDG) dahil sa pagkakasangkot ng ilang tauhan nito sa pagkidnap-pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick-Joo mismo sa loob ng Camp Crame.
Samantala, sinabi ni Sen.Richard Gordon, chairman ng Senate committee on justice, na hindi pa “ligtas” o libre si DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II sa usapin ng P50 milyong suhulan na sangkot ang dalawang deputy commissioner ng Bureau of Immigration and Deportation. Ang suhol ay galing daw kay Jack Lam, online gaming operator at may-ari ng Fontana Resorts and Casino sa Clark.
Noong nakaraang Linggo, binatikos ng Simbahang Katoliko si PRRD hinggil sa drug war niya na lumilikha umano ng “reign of terror” sa hanay ng mahihirap na tao sapagkat karamihan sa mga biktima ay ordinaryong pusher at user na agad binabaril at hindi nabibigyan ng tinatawag na”due process” tulad ng ibang mga pulis at mayayaman.
Sa sermon o homily ng mga pari, sinabi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ang pagpatay sa mga tao ay hindi sagot sa drug trafficking. Nagpahayag din ng pagkabahala ang Simbahan sa pagwawalang-bahala ng mga Pilipino sa pamamaril ng mga... pulis sa buy-operations na ang laging katwiran ay nanlaban ang suspek.
Sa ibayong dagat, lumikha si US Pres, Donald Trump ng malaking kontrobersiya dahil sa pagbabawal na makapasok sa US ang mga mamamayan ng Iraq, Iran, Libya, Somalia, Sudan, Syria, at Yemen. Dahil dito, isang US judge ang naglabas ng temporary restraining order (TRO).
May 60,000 mamamayan mula sa pitong Muslim countries ang apektado sa pagbabawal na ito. Gayunman, sa desisyon US District Judge James Robant ng Seatlle, puwede na raw gamitin ang kanilang visa upang makapasok.
Salamat na lang at hindi kasama ang Pilipinas sa travel ban ng bagong presidente ng US. Mabuhay ang Pilipinas!
(Bert de Guzman)