CEBU CITY – Kinumpirma ng isang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 7 ang inihayag ni Pangulong Duterte nitong Sabado na isang Korean mafia ang kumikilos sa bentahan ng ilegal na droga at nag-o-operate pa ng prostitution ring sa Cebu.

Sinabi kahapon ni PDEA-7 Director Yogi Filemon Ruiz na taong 2009 pa niya nalaman ang tungkol sa Korean mafia sa Cebu, noong siya pa ang deputy director sa rehiyon.

“We caught a Korean national last September who posed as a tourist guide and was also found to be selling drugs among his clients. That is an indicator that there is a syndicate moving underground in Cebu City,” ani Ruiz.

Sinabi ni Ruiz na inaresto ng mga tauhan ng PDEA-7 si Kim See Woong, 47, noong Setyembre 17, 2016 sa kabiguang dumalo sa mga pagdinig ng korte sa kaso nito kaugnay ng pagkakadakip noong Enero 9, 2011 matapos mahulihan ng droga.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Gayunman, sinabi ni Police Regional Office (PRO)-7 Director Chief Supt. Noli Taliño na wala siyang natatanggap na impormasyon na may kinalaman sa presensiya ng Korean mafia sa Cebu, bagamat kinumpirma nilang ilang Korean ang sangkot sa bentahan ng droga, carnapping at extortion sa lalawigan.

Sinabi ni Taliño na ipinabeberipika na niya ito sa pulisya. (PNA at Mars W. Mosqueda, Jr.)