Mga Laro Ngayon

(JCSGO Gym)

11 n.u. -- Blustar vs Cafe France

1 n.h. -- Tanduay vs Victoria Sports-MLQU

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

NAPANATILI ng Racal Ceramica ang pamumuno matapos angkinin ang ikatlong sunod na panalo sa impresibong 91-78 panalo kontra Batangas kahapon sa 2017 PBA D League Aspirants Cup sa JCSGO Gym sa Cubao.

Mula sa tatlong puntos na kalamangan sa first quarter, 20-17, tuluyang kumalas ang Tile Masters sa second period matapos umiskor ng 23 puntos kumpara sa 13 lamang ng mga Batangueños para palobohin ang lamang,43-30 sa halftime.

Mula roon, lalo pang pinalaki ang bentahe na umabot ng 25 puntos sa iskor na 54-29 sa bungad ng final quarter.

Tumapos na may 18-puntos si Sydney Onwubere na sinundan ni Kent Salado na may 17 puntos upang pangunahan ang Racal sa 3-0 karta at ibaba ang Batangas sa barahang 1-3.

Sa pagpapatuloy ng aksiyon ngayon, magtatangkang bumangon mula sa kabiguang nalasap sa kamay ng Cignal-San Beda ang Café France habang ikatlong dikit na panalo ang puntirya ng Tanduay sa nakatakdang double header.

Matapos ipanalo ang unang laban kontra Tanduay, bumagsak ang Bakers sa ikalawa nilang laro,74-88, kontra Cignal- San Beda.

Kaya naman magkukumahog itong bumawi ngayong umaga kontra guest squad Blu Star Detergents ganap na 11:00 ng umaga.

Kasunod nito,pupuntiryahin naman ng Rhum Masters ang kanilang ikatlong dikit na panalo sa pakikipagtuos nila ng Victoria Sports-MLQU ganap na 1:00 ng hapon.

Parehas namang wala pang naitatalang panalo matapos ang una nilang tig- dalawang laro, magsisikap ang Dragons at ang Victoria Sports na makapasok ng winner’s circle. (Marivic Awitan)