morales copy

Morales, humirit na; Roque, lider pa rin sa LBC Ronda.

VIGAN, Ilocos Sur — Maagang nakawala sa nagbabantay na karibal si defending champion Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance para pagharian ang Stage Two criterium race, habang napanatili ng kasanggang si Rudy Roque ang tangan sa red jersey kahapon sa 2017 LBC Ronda Pilipinas dito.

Matapos mapalaman sa mga naghahabol na karibal sa158-kilometer Vigan-Laoag-Vigan Stage One race nitong Sabado, kaagad na rumatsada si Morales para makaiwas sa pagbabantay at pangunahan ang anim na rider na pare-parehong nakatawid sa finish line na may tyempong isang oras, 11 minuto at 44 segundo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

"The plan is for all of us to stay in front and we executed it well. Maayos yung galaw ng buong team," pahayag ni Morales, pambato ng Calumpang, Marikina at 2015 Asian Cycling Championship silver medallist.

Nakabuntot kay Morales si Roque, sapat para mapanatili ang tangan sa red jersey – simbolo ng pangunguna sa individual race – gayundin sina Cris Joven at Ronnilan Quita ng Kinetix Lab Army; Jaybop Pagnanawon ng Bike Extreme; at Roel Quitoy ng Mindanao Sultan Kudarat.

Kabilang naman sa top 10 sina Stage One winner Ronald Lomotos ng Navy; Ronnel Hualda ng Go for Gold; Jervin Torres at Leonel Dimaano ng RC Cola NCR na nakapagsumite ng tyempong 1:11:49, 1:11:53, 1:11:54 at 1:11:54, ayon sa pagkakasunod.

Bunsod ng panalo, umakyat si Morales sa ika-17 puwesto mula sa ika-23 sa individual leadership tangan ang kabuuang tyempo na 5:08:11, halos limang minuto ang layo kay Roque sa 14-day cycling marathon na may nakalaang P1 milyon na premyo kaloob ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Kabilang din ang 25-anyos na si Roque sa lead pack sa kabuuan ng karera, ngunit sumegunda lamang ang protégée ng dating Tour king Renato Doloso, sapat ito para mapanatili niya ang red jersey.

Sa Stage One, sumegunda rin ang pambato ng Tibo, Bataan sa kasangga at stage winner Ronald Lomotos. Tangan niya ang kabuuang tyempo na 5:03:03, may 20 segundo ang bentahe kay Lomotos, tumapos na ikapito sa Stage Two.

Nasa ikatlo ang isa pang Navyman at 21-anyos rookie na si Archie Cardana na may tyempong 5:03:44, kasunod si Ismael Grospe, Jr. ng Go for Gold (5:05:31).

Tumaas naman sa ikalima mula sa No.7 si Pagnanawon, anak ni 1986 Tour champion Rolando, hawak ang oras na 5:06:44, kasunod si Jay Lampawog, isa pang bagito sa Navy (5:06:56).

Nasa top 10 sina Ryan Serapio ng Ilocos Sur (5:06:57), Jonel Carcueva ng Go for Gold (5:07:00), Quitoy (5:07:01) at Orlie Villaneuva ng Go for Gold (5:07:07).

Tangan ng Navy ang pangunguna sa team race hawak ang kabuuang oras na 20:17:32, siyam na minuto ang bentahe sa bumubuntot na Go for Gold (20:26:49) at Kinetix Lab Army (20:30:49).

Magkakaroon ng pahinga ang mga siklista simula ngayon para paghandaan ang panibagong hamon sa Miyerkules para sa biyaheng 137-km Angeles-Subic (via Bataan) Stage Three. Susundan ito ng 111-km Subic-to-Subic Stage Four sa Huwebes.