MAKARAANG ipamigay ni Miss Bulgaria ang kanyang asul na Sherri Hill evening gown sa isang Pilipinang teenager, si Miss Germany Johanna Acs naman ang nag-iwan ng souvenir sa kanyang Filipino fans pagkatapos ng sinalihang 65th Miss Universe beauty pageant.
Ipinamigay niya ang kanyang castle headpiece na bahagi ng kanyang national costume sa isang exhibit sa College of Fine Arts and Design sa University of Sto. Tomas (UST).
Tumitimbang ng dalawang kilo ang headpiece, ayon sa mga ulat.
Inihayag ni Acs, na nasa bansa pa rin at nag-i-enjoy sa beaches sa Palawan, na ipinamigay niya ang kanyang headpiece bilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pilipino.
“It’s just a good gesture because the Philippines has treated us and me so nice so I just wanna say thank you and leave a small part of Germany here in the Philippines,” saad ng German beauty queen sa panayam ng ABS-CBN.
Ibinigay ang headpiece sa interior designer na si Sol Albar na nagsabing itatampok ito sa isang exhibit sa pontifical university.
Alumna ng UST College of Fine Arts and Design si Albar.
Si Acs, 24, ay Textile and Clothing Management student na may adhikaing mapabuti ang textile production conditions sa mga umuunlad na bansa.
Sinabi ng beauty queen na pagbibiyahe ang kanyang passion sa buhay. Sa pagbisita sa mahigit 50 bansa, nakita na niya ang positibo at negatibong bahagi ng mundo.
Naging inspirasyon niya ang mga nakitang negatibo para baguhin ang mundo, kaya itinatag niya ang “Healing Art,” ang kanyang sariling charity organization.
Isa sa mga naging kontrobersiya noong 2015 Miss Universe pageant ang pahayag ni Miss Universe Germany 2015 Sarah Lorraine Riek na dismayado siya sa resulta ng beauty contest.
Mali ang inihayag ng host na si Steve Harvey si Miss Colombia Ariadna Gutierrez bilang nanalo, gayong ang tunay na nanalo ay si Miss Philippines Pia Alonzo Wurtzbach, na half-German beauty queen.
Humingi ng paumanhin si Riek sa mga Pilipino hinggil sa naging komento niya. (ROBERT R. REQUINTINA)