GENERAL TRIAS CITY, Cavite – Nasa 104 na manggagawa ang nasugatan nang masunog ang pabrika ng House Technology Industries (HTI) Pte. Ltd. Sa Cavite Export Processing Zone Authority (EPZA) compound sa General Trias City.

Pasado tanghali kahapon nang kumpirmahin ni Chief Insp. Ariel C. Avilla, General Trias fire marshal, na wala nang trapped na manggagawa sa nasunog na gusali hanggang 12:00 ng tanghali kahapon.

Sinabi ni Avilla na sadyang aabutin ng ilang oras o kahit isang araw ang pag-apula nila sa sunog sa tatlong-palapag na gusali dahil mayroong flammable materials sa loob nito.

Ayon naman kay Senior Supt. Arthur Velsaco Bisnar, Cavite Police Provincial Office (PPO) director, batay sa report ng General Trias Police at ng Disaster Risk Reduction and Management Team, may kabuuang 104 na manggagawa ang isinugod sa mga ospital hanggang nitong Miyerkules ng hatinggabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang sunog, na sumiklab bandang 6:19 ng gabi nitong Miyerkules, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng Cavite sa nakalipas na mga taon.

Sinabi ni Bisnar na sa 104 na biktima, 40 ang kung hindi nalapnos o nasugatan at naka-confine sa Divine Grace Medical Center at sa iba pang mga pagamutan sa Gen. Trias.

Sampu sa 40 biktima ang nagtamo ng third degree burns at kritikal ang lagay, habang ang iba pa ay dumanas ng suffocation o nakalanghap ng usok, samantala karamihan ay kaagad nang nakauwi ng bahay.

Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng pabrika matapos marinig ang isang pagsabog na sinundan ng pagkawala ng kuryente.

Posibleng electrical wiring ang naging sanhi ng sunog, na hindi pa tukoy ang halaga ng napinsala. (ANTHONY GIRON)