NGAYONG ika-30 ng Enero, nakatutok sa Pilipinas ang mga mamamayan sa iba’t ibang bansa sa daigdig sapagkat magaganap ang pinakahihintay na Miss Universe coronation 2016. Masasabing ito’y makasaysayan sa kabila ng patuloy na pagpatay sa mga hinihinalang drug pusher at user na bahagi ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

Mapalad din ang ating bansa sapagkat tayo ang napiling host at pagdausan ng nasabing prestihiyosong beauty pageant.

Ito ang ikatlong pagkakataon na tayo ang magsisilbing host country.

Ayon sa Miss Universe Organization (MUO), ang Miss Universe Beauty Pageant ay nasa ika-65 taon na. May 86 na maganda, kabigha-bighani at matatangkad na dalaga ang kalahok mula sa iba’t ibang bansa, kabilang na rito ang ating kababayan na si Miss Universe Philippines Maxine Medina. Ang coronation ay idaraos sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay. Ang magwawaging Miss Universe ang papalit sa atiing kababayan na si Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Batay sa mga paghahanda para sa seguridad at kaayusan ng Miss Universe 2016, may 1,800 pulis ang ide-deploy sa paligid ng SM Mall of Asia Arena at sa iba’t ibang lugar na malapit sa pagdarausan. Katuwang ng mga pulis sa pangangalaga ng seguridad ang 800 sundalo. Iniutos na no fly zone o walang lilipad na eroplano at drone sa paligid ng MOA Arena.

Sa mga nakalipas na araw bago sumapit ang Miss Universe coronation 2016, naging abala ang mga Miss Universe candidate sa paglilibot sa mga ipinagmamalaking tourist destination sa ating bansa, partikular na sa Vigan, Ilocos Sur; Cebu, Baguio, Batangas, at Davao City. Naramdaman ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino. Ipinakita ang ating mga tradisyon. Natikman nila ang mga ipinagmamalaking luto at pagkaing Pinoy.

May mga Miss Universe candidate rin na tumulong sa reach out program ng Department of Health at ng isang samahan ng pagkakawanggawa sa isang charity institution na kumakalinga sa mga batang babae na mahirap at kapus-palad. May mga kandidata rin na natutong magsalita ng Tagalog.

Sa kasaysayan ng nasabing patimpalak, tatlong kandidata natin ang nagwagi at tinanghal na Miss Universe. Sila’y sina Gloria Diaz (1969); Margarita Moran (1973) at Pia Wurtzbach (2015). Si Gloria Diaz ang kauna-unahang kandidata na nagwagi. Sinundan ni Margarita Moran makalipas ang apat na taon at ni Pia Wurtzbach makalipas naman ang 42 taon.

Nakilala ang mga Pilipina na may angking ganda at talino.

Nagpunta rin sa Malacañang ang mga Miss Universe candidate. Nag-courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte. Nalugod naman ang Pangulo... sa pagmamasid sa paglakad ng mga matatangkad na kandidata. Humanga ang Pangulo sa mga naggagandahang dalaga.

Ayon kay Pangulong Duterte: “I’d like to make an admission that never in my life I have been with a room full of beautiful women. This is either privilege or an honor and I hope that this day will never end.” (Clemen Bautista)