WASHINGTON (Reuters, AFP, AP) – Sumiklab ang galit at protesta sa kautusan ni President Donald Trump na “extreme vetting” sa mga bisita at legal U.S. residents mula sa pitong bansang Muslim nitong Sabado.

“This is big stuff,” sabi ni Trump sa Pentagon noong Biyernes, matapos lagdaan ang executive order na pinamagatang “Protection of the nation from foreign terrorist entry into the United States.”

Sinabi niya sa mamamahayag sa Oval Office na ang kanyang kautusan ay “not a Muslim ban” at iginiit na matagal na itong dapat na ipinatupad. “It’s working out very nicely. You see it at the airports, you see it all over,” aniya pa.

Sinususpindi ng kautusan ang US refugee resettlement program sa loob ng 120 araw at inistablisa ang mahigpit na pagpili sa mga papasok sa bansa. Layunin nitong tiyakin na “those approved for refugee admission do not pose a threat to the security and welfare of the United States.”

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Partikular na pinagbabawalang pumasok ang Syrian refugees hanggang sa makapagdesisyon ang pangulo na hindi na sila banta sa seguridad.

Samantala, walang ilalabas na visa sa loob ng 90 araw sa mga migrante o bisita mula sa Iran, Iraq, Libya, Somalia, Sudan, Syria at Yemen.

Maging ang green card holder ay hindi pahihintulutang makabalik hanggang sa sila ay muling naisalang at nakalusot sa screening.

CHAOS

Kaagad na ipinatupad ng mga awtoridad ang kautusan ni Trump, idinetine ang mga dumating na biyahero sa mga paliparan ng Amerika kinagabihan ng Biyernes.

Matindi ang naging reaksiyon ng Immigration lawyers, activists at Democratic politicians, at marami ang kumilos upang tulungan ang mga na-stranded na biyahero.

Daan-daan ang nagprotesta sa mga paliparan sa Dallas, Chicago, New York at iba pang lugar sa bansa.

Sinabi ng Arab travelers sa Middle East at North Africa na ang kautusan ay “humiliating” at “discriminatory.”

Binatikos din ito ng mga kaalyado ng US kabilang na ang France, Germany at Britain.

Kinondena ng Iran ang kautusan na “open affront against the Muslim world and the Iranian nation” at nangakong gaganti.

‘PINAS, WAIT AND SEE

Hindi kinukuwestyon ng Pilipinas ang bagong immigration rules ni Trump ngunit tiniyak na tutulungan ang mga Pilipino na maaaring maapektuhan nito.

Kinikilala ni Presidential Communications Assistant Secretary Ana Marie Banaag ang karapatan ng United States na limitahan ang pagpasok ng mga immigrant sa kanilang bansa.

“They have the visa, they have regulations on who are qualified to go to their country so what we can do perhaps would be to let the DFA (Department of Foreign Affairs) negotiate on that matter. However, we will respect kung ano naman ang regulasyon ng embahada or the US on that matter,” ani Banaag sa Radyo ng Bayan.

Sa ngayon, ayon kay Banaag, hihintayin muna ng gobyerno ang official statement sa pamamagitan ng diplomatic channels.

“Kapag yan ang naidulog na sa embahada at kung ano ang parameters niyan saka na lang tayo magkomento on that matter,” aniya. (Genalyn D. Kabiling)