Patay ang isang dating radio commentator habang nasugatan naman ang asawa nito makaraan silang tambangan ng riding-in-tandem sa Tanza, Cavite, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ng Tanza Municipal Police ang napatay na si Benito Clamosa, 65, dating radio commentator sa lokal na Star radio station, habang nabaril naman sa kaliwang binti ang misis nitong si Erinea Clamosa, 71 anyos.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 1:15 ng hapon at katatapos lang mag-grocery ng mag-asawa at pauwi na sakay sa kanilang owner-type jeepney (MAC-172) nang pagbabarilin sila ng mga suspek sa Barangay Amaya II.
Ayon kay Supt. Eric Sibalo, hepe ng Tanza Municipal Police, sinisiyasat na ng pulisya ang CCTV footage sa lugar upang makilala ang mga suspek.
Ayon sa record ng pulisya, dating may nakaaway si Benito noong nakaraang taon at sinisilip kung may kaugnayan ito sa pananambang. (FER TABOY)