Sinabi kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi maaaring arestuhin si Supt. Rafael Dumlao at ang iba pang may alyas lamang na iniuugnay sa pagdukot at pagpatay kay Jee Ick-joo kung ang pagbabasehan ay ang warrant mula sa Angeles City Regional Trial Court (RTC).

Paliwanag ni Aguirre, tanging “Sir Dumlao” lang ang nakasaad sa arrest order laban sa regional head ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) sa Pampanga.

“There should first be a clarification from the court and amendment of the arrest warrant that will change the name 'Sir Dumlao' to 'Supt. Rafael Dumlao' before he could be put under arrest,” paglilinaw ni Aguirre.

Napaulat na umalis si Dumlao sa restrictive custody ng PNP sa Camp Crame sa Quezon City nitong Biyernes ng hatinggabi kasama ang kanyang asawa matapos siyang dumalo sa pagdinig ng Senado sa sinasabing kaso ng “Tokhang-for-ransom” nitong Huwebes.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Aguirre, bukod sa Sir Dumlao ay dapat ding amyendahan sa arrest order ng korte ang mga suspek na sina alyas “Pulis”, “Jerry”, at “Ding”, na ipinalabas laban kina SPO3 Ricky Sta. Isabel at SPO4 Roy Villegas sa kidnapping for ransom with homicide na inihain ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG).

Ayon kay Aguirre, ang “Ding” ay si Gerardo Santiago, ang retiradong pulis na may-ari ng puneraryang pinagdalhan kay Jee, isa namang National Bureau of Investigation (NBI) agent si “Jerry”, habang inaalam pa nila kung sino si “Pulis”.

Sumuko na sa NBI sina Santiago at Jerry. (Rey G. Panaligan)