Humirit ng proteksiyon mula sa Korte Suprema ang pamilya ng mga napatay sa Oplan Tokhang sa Group 9, Area B, sa Payatas, Quezon City noong Agosto 21, 2016.
Ito ay sa pamamagitan ng writ of amparo petition na inihain ng mga pamilya nina Marcelo Daa, Jr., Raffy Gabo, Anthony Comendo, at Jessie Cule.
Pero nakaligtas ang umano’y ikalimang biktima na si Efren Morillo na itinuturing ngayong testigo sa ihahaing kaso laban sa mga pulis na sangkot sa operasyon.
Sa writ of amparo petition, hiniling ng mga abogado ng mga pamilya na sila ay maprotektahan mula sa panggigipit.
Hinihiling din nila sa Korte Suprema na itigil ang Tokhang operation sa mga komunidad na sakop ng hurisdiksiyon ng QCPD Station 6 habang nakabimbin ang petisyon sa hukuman. (Beth Camia)