Hindi tamang ibunton ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang lahat ng sisi kay dating Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) head Director Getulio Napeñas sa pagkamatay ng 44 na operatiba ng SAF sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.

“Walang viniolate si Napeñas. Siya (Aquino) ang nagkulang,” giit ni Aguirre, na tumayong abogado ni Napeñas sa kaso.

Ito ang naging reaksiyon ng kalihim sa opisyal na pahayag ni Aquino na nagdiin kay Napeñas sa pumalpak na Oplan Exodus sa Mamasapano laban sa Malasian terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan.

Sa kanyang pahayag na inilabas kahapon ng umaga, sinabi ni Aquino na “Ni minsan, hindi pumasok sa isip kong magagawa ni Napenas na magsinungaling sa Pangulo ng Pilipinas. Pinagkatiwalaan ko ang isang two-star police officer, na ako pa mismo ang nag-promote.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Paliwanag pa ng dating Pangulo, tiniyak sa kanya ni Napeñas na may 160 SAF na itatalaga sa operasyon, sa pakikipag-ugnayan sa militar ilang araw bago ang operasyon.

Ayon kay Aquino, huli na nang makumpirma niyang nasa 70 lang ang nagsagawa ng operasyon at ipinagbigay-alam lang ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa “time after target” o iyong nasa lugar na ang SAF.

“Kung sinunod lang ang lohikal at legal kong utos, hindi mangyayari ang trahedya sa Mamasapano,” saad pa sa pahayag ni Aquino.

Giit naman ni Aguirre, sa buong panahon ng operasyon ay nakikipag-usap ang dating Pangulo sa telepono kay dating PNP Chief Director General Alan Purisima para manghingi ng updates.

“Ibig sabihin, on the top of situation siya. Alam niya ang lahat ng nangyayari,” ani Aguirre.

WALANG KINALAMAN ANG CIA

Sinegundahan naman ng gobyerno ng Amerika ang paglilinaw ni Aquino na walang kinalaman ang Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika sa nasabing operasyon, gaya ng akusasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ng US Embassy: “This operation was planned and executed by Philippine authorities.”

Ito ang nagsisilbing kumpirmasyon sa pagtanggi ni Aquino na may kinalaman ang CIA sa operasyon.

“Ang sa akin, Pilipino ang mga kausap ko. Pilipino ang nagbibigay-ulat sa akin, at Pilipino ang nagsagawa ng misyon.

Ultimong asset na nakalapit kina Marwan, asset ng ating gobyerno,” saad sa pahayag ni Aquino.

CRIMINAL COMPLAINTS IPINABABASURA

Kaugnay nito, hiniling ni Aquino sa Office of the Ombudsman na ibasura ang mga reklamong kriminal na inihain ng mga naulila ng SAF 44 laban sa kanya at muling binigyang-diin na wala siyang kasalanan sa pumalpak na Oplan Exodus.

Sa 25-pahinang counter-affidavit, sinabi ni Aquino na ikinalulungkot niya ang pagkawala ng mga buhay dahil sa “poor planning, defective execution and lack of coordination with the AFP,” at iginiit na dumepende lamang siya sa mga impormasyong ibinibigay sa kanya ni Napeñas.

“Only the broad and general strokes were presented to me during the briefing,” saad sa affidavit ni Aquino. “The charge of reckless imprudence must fail and the complaints against me must be dismissed.”

(JEFFREY DAMICOG, ROY MABASA at JUN RAMIREZ)