MAGSISILBING highlight ng okasyon ang ibibigay na Smart Player of the Year award sa idaraos na Collegiate Basketball Awards ngayon sa Montgomery Place Social Hall sa E. Rodriguez Avenue sa Quezon City.

Nakatakdang simulan ang programa ganap na 7:00 ng gabi.

Pipiliin ang tatanggap ng prestihiyosong award sa mga miyembro ng Mighty Sports Mythical Five na kinabibilangan nina Ben Mbala at Jeron Teng ng La Salle, dating Arellano University guard Jiovani Jalalon, San Beda forward Javee Mocon at Mapua slotman Allwell Oraeme.

Isa lamang ang parangal sa hanay ng mga awards na ipamimigay sa event na suportado ng Smart, Accel, Mighty Sports, MJM Productions at Chooks to Go at tatampukan ni 2016 Mutya ng Pilipinas Asia Pacific International at Far Eastern University courtside reporter Ganiel Krishnan bilang host.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang iba pang mga awardee ay sina Aldin Ayo at Jamike Jarin bilang Coach of the Year matapos gabayan ang La Salle at San Beda sa kampeonato ng UAAP at NCAA, ayon sa pagkakasunod.

Pararangalan din sina La Salle guard Kib Montalbo at San Beda hotshot Davon Potts bilang Pivotal Player of the Year, University of the Philippines guard Jett Manuel at Far Eastern University forward Raymar Jose bilang Super Senior, Adamson center Papi Sarr bilang Mr. Efficiency at si UP guard Paul Desiderio bilang Chooks to Go Breakout Player.

(Marivic Awitan)