Tatlong pulis ang nasawi habang 20 katao ang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa national highway ng Polomolok, South Cotabato.

Ayon sa report ng Polomolok Municipal Police, Lunes ng tanghali nang mangyari ang aksidente sa crossing ng Matin-ao sa Barangay Silway 8, Polomolok.

Kinilala ni Senior Supt. Franklin Alvero, director ng South Cotabato Police Provincial Office (SCPPO), ang mga nasawing pulis na sina SPO2 Arnel Jalis, SPO2 Romar Vistavilla, kapwa nakatalaga sa Koronadal City Police; at SPO2 Henry Baliao, ng Tupi Municipal Police.

Sinabi ni Senior Supt. Alvero na sakay ang tatlong pulis sa isang asul na Honda Fit, na minamaneho ni Vistavilla, nang i-overtake nito ang dump truck na pagmamay-ari ng Koronadal City government at sinasakyan ng 73 police trainee mula Regional Headquarters ng Koronadal City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa pag-overtake ng Fit ay nakasalubong nito ang isang UV Express Van na sinasakyan ng mga estudyante mula Polomolok papuntang General Santos City.

Nawasak ang Fit at kaagad na nasawi ang tatlong pulis habang sugatan namang isinugod sa ospital ang 20 sakay sa van at sa truck. (FER TABOY)