Warriors Heat Basketball

Warriors at Cavaliers, parehong sawi sa road game.

MIAMI (AP) — Naputol ang winning streak ng Golden State sa pitong laro nang maungusan ng Heat ang Warriors, 105-102, sa maaksiyong duwelo nitong Lunes (Martes sa Manila).

Naging bayani ng Heat si Dion Waiters sa naisalpak na game-winning three-pointer may 0.6 segundo ang nalalabi para tuldukan ang pinakamahabang streak sa kasalukuyan.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nabitiwan ng Heat ang tangan sa 10 puntos na bentahe sa huling apat na minuto at naitabla ni Kevin Durant ang iskor sa 102-all mula sa dunk may 11.7 segundo sa laro.

Kaagad na ibinaba ni Waiters ang bola dahil sa kawalan ng timeout ng Miami at itinira ang bola nang makakuha ng pagkakataon sa harap ng depensa ni Thompson na nagsilbing palaso na tumuhog sa puso ng Warriors.

Sumablay ang mabilisang tira ni Stephen Curry sa final buzzer.

Nanguna si Goran Dragic sa Heat (15-30) sa naiskor na 19 puntos, habang tumipa sina Luke Babbitt at Hassan Whiteside ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Hataw si Durant sa Warriros sa nakubrang 27 puntos, habang nag-ambag sina Thompson ng 22 puntos at kumana si Curry ng 21 puntos, 10 rebound at walong assist sa sa Golden States (38-7).

PELICANS 124, CAVALIERS 122

Sa New Orleans, sumuko rin ang Cleveland Cavaliers sa harap ng Pelicans crowd na nagbunyi sa matikas na laro ni reserved Terrence Jones – pumalit sa injured na si All-Star Anthony Davis – na umiskor ng season-high 36 puntos at 11 rebound.

Nag-ambag si Jrue Holiday ng 33 puntoso at 10 assist sa Pelicans, habang kumana si Kinston Galloway ng 12 puntos.

Hataw si Kyrie Irving sa naiskor na 49 puntos, kabilang ang 35 sa second half kung saan nagsagawa nang rally ang Cavs para maibaba ang 22 puntos na bentahe ng Pelicans.

Tumipa naman si LeBron James ng 26 puntos, 12 assist at 10 rebound at humirit si Kevin Love ng 22 puntos sa Cleveland, nabigo sa ikalimang pagkakataon sa huling pitong laro.

THUNDER 97, JAZZ 95

Sa Salt Lake City, naisalpak ni Russell Westbrook ang pull-up jumper sa huling 1.4 segundo para sandigan ang Oklahoma City kontra Utah.

Nagmaniobra si Westbrook sa krusyal na sandali sa naiskor na 11 sa huling 13 puntos ng Thunder para tumapos na may 38 puntos, 10 rebound at 10 assist – ika-22 triple double ngayong season.

CLIPPERS 115, HAWKS 105

Sa Atlanta, ginapi ng Los Angeles Clippers, sa pangunguna ni Austin Rivers na umiskor ng 27 puntos, ang Hawks.

Nanguna sa Atlanta si Kent Bazemore sa nakubrang 25 puntos, habang tumipa si Dennis Schroder ng 21, at may nakubra si Dwight Howard na 16 puntos at 12 rebound.

WIZARDS 109, HORNETS 99

Sa Charlotte, North Carolina, hataw si John Wall sa naiskor na 24 puntos at pitong assist habang nagsalansan ng 23 puntos at walong rebound si Markieff Morris sa panalo ng Washington Wizards kontra Hornets.

Naitala naman ni Otto Porter Jr. ang ikapitong double-double ngayong season sa naiskor na 14 puntos at 13 rebound, habang tumipa si Bradley Beal ng 18 puntos.

Nanguna si Kemba Walker sa Hornets sa naitarak na 21 puntos mula sa 7-of-24 shooting, habang kumubra si Marco Belinelli ng 18 puntos para sa ikatlong sunod na panalo ng Charlotte.

Sa iba pang laro, nagwagi ang New York Knicks kontra Indiana Pacers, 109-103; pinisak ng Milwaukee Bucks ang Houston Rockets, 127-114; winasak ng San Antonio Spurs ang Brooklyn Nets, 112-86; at pinasuko ng Sacramento Kings ang Detroit Pistons, 109-104.