Matapos matuklasang patay na ang nawawalang Korean businessman na si Jee Ick-Joo, nakatakdang isailalim sa forensic examination ang kanyang abo.
Ayon kay Atty. Ross Jonathan Galicia, ng National Bureau of Investigation (NBI) task force against illegal drugs, ang sinasabing bangkay ni Ick-Joo ay natagpuan sa isang punerarya sa Bagbaguin, Caloocan City ay isa nang abo.
Sa ngayon, person of interest na ang may ari ng punerarya.
Pinuntahan ng mga tauhan ng NBI ang punerarya, sa tulong ng impormante, kung saan positibong kinilala si Ick-Joo.
Ayon sa NBI, base sa pahayag ng ilang empleyado ng punerarya, noong Oktubre 18 din dinala sa kanila ang bangkay ng biktima at nakausap din umano ng kanilang amo ang mga taong nagdala sa bangkay ni Ick-Joo.
3 PANG PULIS NASA CRAME NA
Tatlo pang pulis, bukod kay SPO3 Ricky Sta. Isabel, ang nasa kustodiya ng Camp Crame kaugnay ng pagdukot-pagpatay kay Ick-Joo.
“As ordered by the Chief PNP (Director General Ronald dela Rosa), the alleged other personnel (involved in Jee kidnap-slay) are now under restrictive custody,” pagkukumpirma ni Senior Supt. Albert Ignatius Ferro
“They will be undergoing pre-charge investigation. If found guilty, they will be discharged and administratively charged and if they are further found involved in criminal side they will be prosecuted by the court,” dagdag niya.
Tumanggi naman ang opisyal na pangalanan ang tatlong pulis.
Kaugnay nito, nanawagan si Sen. Panfilo Lacson sa mga naging biktima ng “tokhang for ransom” na lumantad at tukuyin kung sino ang mga pulis na sangkot sa naturang operasyon.
Ito ay ipinahayag ni Lacson kasabay ng kanyang pagkasa sa Senate Resolution No. 265 na nag-aatas sa committee on public order and dangerous drugs na silipin ang mabagal at malambot na aksiyon ng Philippine National Police (PNP).
(Beth Camia, Aaron Recuenco at Leonel Abasola)