Hindi pa man nagsisimula ang kompetisyon, itinalaga na bilang mga paborito upang makamit ang titulo ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup ang mga beteranong koponang Cafe France, Tanduay, at Racal.

Ang tatlong koponan ay pare-parehong nagpalakas ng kanilang roster sa nakaraang off season partikular sa nakaraang draft.

Ang Bakers ay patuloy na pangungunahan ng mga pangunahing manlalaro ng kanilang ka-tie-up na Centro Escolar University na sina Congolese big man Rod Ebondo, Aaron Jeruta at JK Casino.

Dinagdagan pa sila ni coach Egay Macaraya nina University of the Philippines workhorse Paul Desiderio, San Sebastian College-Recoletos forward Michael Calisaan, at University of Sto. Tomas big man Jeepy Faundo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Para naman sa Rhum Masters, binalasa ni coach Lawrence Chongson ang kanyang core at ipinasok sina dating Letran guard Mark Cruz at kapwa nito Letran standout na si Jom Sollano kasama sina Louie Vigil, at Dave Moralde.

Sa panig ng Racal, mayroon silang bagong koponan sa ilalim ng bago ring coach na si Jerry Codinera na binitbit ang kanyang mga manlalaro sa Arellano University na sina Kent Salado, Lervin Flores, at Donald Gumaru.

Makakasama nila ang mga holdovers na sina Rey Nambatac, Jackson Corpuz,at mga bagong recruits na sina Allan Mangahas at Sidney Onwubere.

Ngunit, maliban sa tatlong nabanggit na koponan, hindi pa rin mawawala ang ilang sinasabing posibleng maging banta sa hangad nilang titulo gaya ng AMA Online Education na pangungunahan ng season’s top pick na si Jeron Teng ng De La Salle University, double-double machine Jay-R Taganas at promising guards Diego Dario, Ryan Arambulo, at Juami Tiongson.

Nariyan din ang Cignal-San Beda College na balak bawiin ang dating trono sa PBA D-League sa ilalim ng nagbabalik nilang 7-time champion coach Boyet Fernandez.

Pangungunahan ang koponan nina Javee Mocon, Davon Potts, at Robert Bolick, kasama ang mga bagong recruits na sina Far Eastern University playmaker Monbert Arong at dating University of Perpetual Help forward Harold Arboleda.

Ang 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup ay magbubukas sa Enero 19 sa Ynares Sports Arena sa Pasig. (Marivic Awitan)