Bulagta sa mga parak ang isang lalaking hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos umanong manlaban sa ikinasang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dahil sa mga tama ng bala sa katawan, dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Alexander Jimenea, alyas “Alex”, nasa hustong gulang, ng 2570 Kalimbas Street, Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay PO2 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:45 ng gabi kamakalawa nangyari ang insidente sa Rizal Avenue, malapit sa kanto ng Pampanga Street sa Sta. Cruz.

Ikinasa ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (DAID) ng MPD-Station 3 ang operasyon laban sa isang alyas “Alex”, at nagsilbing poseur buyer si PO2 Rey Munoz.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Nang maisagawa ang transaksiyon, nakatunog umano ang suspek na pulis ang kanyang kaharap kaya bumunot ito ng baril at pinaputukan si PO2 Munoz, ngunit hindi tinamaan.

Dahil sa panganib, nagdesisyon ang mga back up na pulis na paputukan ang suspek na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Narekober mula sa suspek ang siyam (9) na plastic sachet ng umano’y shabu, isang kalibre .38 revolver na walang serial number at apat na bala, at P500 buy-bust money. (Mary Ann Santiago)