ISANG senior citizen ang nag-email sa akin ng ganito: “Ano na ang nangyari sa pangakong P2,000 SSS pension increase ni PDu30 noong 2016 election? Ito ba ay itutuloy o na-hyperbole na naman?”

Tugon ko: “Mukhang hindi tuloy ang pagkakaloob ng unang P1,000 ngayong Taon ng Tandang (Year of the Rooster).

Kumambiyo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil pinadalhan siya ng memo ng tatlong economic manager niya na baka ma-bankrupt ang Social Security System (SSS) kapag ipinatupad ang SSS pension hike. Hanggang 2032 na lang daw ang “buhay” ng SSS kung hindi tataasan ang contributions at ipipilit ang increase.

Kung ganoon sabi ng kaibigan ko: “Na-hyperbola” na naman tayo ng ating president.” Nauso ang salitang “hyperbole” dahil laging ito ang katwiran ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II tuwing may binibitiwang malabo at kontrobersiyal na pahayag si Mano Digong. Kabilang dito ang nalathalang inihulog niya ang kidnapper mula sa helicopter, pagsuspinde sa privilege of writ ng habeas corpus, paghiwalay sa US at pagpanig sa China at Russia, at iba pang statement na binabawi niya o ipinaliliwanag ng kanyang cabinet secretaries. Ang “hyperbole” ay nangangahulugan ng eksaheradong pahayag na hindi dapat kunin o intindihin nang literal. Samakatuwid, mga bolang pananalita.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Gayunman, in fairness sa ating presidente, inatasan niya ang tatlong economic manager— Budget Sec. Benjamin Diokno (na kung bigkasin ng ilang broadcasters ay ‘Bendyamin’ sa halip na ‘Benhamin’); Finance Sec. Sonny Dominguez; at NEDA administrator Ernesto Pernia, na gumawa ng mga paraan kung paano maipagkakaloob ang naturang increase. Inatasan din niya ang SSS management tungkol dito. Mr. President, simple lang, ipatanggal mo ang malalaking suweldo, perks at allowances ng SSS officers! Atasan ang BIR na paghusayin ang koleksiyon ng buwis dahil bilyun-bilyong piso ang hindi nakukulekta sa mga higanteng korporasyon.

Noong panahon ng PNoy administration, si Budget Sec. Benjamin Diokno ang numero unong kritiko sa pinagtitibay na national budget ng Kongreso kada taon, kabilang ang budget para sa Office of the President (OP). Ngayong siya na ang DBM Secretary, ipinagtatanggol niya ang mahigit sa 600% increase sa pondo ng Tanggapan ng Pangulo. Noong 2016, ang pondo ng OP ay P2.8 bilyon lang. Ngayong 2017, ang OP fund ay ginawang P20.2 bilyon o “whooping increase” na P17.4 bilyon. Mr. Diokno, please explain ngayong ikaw ang may suot ng sapatos na dati mong binabatikos!

Sigurado ang matinding bakbakan ng mga mambabatas tungkol sa usapin ng death penalty sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ngayong Enero. Ipinasa na ng House committee on justice ang panukalang naglalayong ibalik ang parusang kamatayan. Bulong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Kailangan pa ba ng death penalty eh, araw-araw 10 o higit pa ang napapatay ng mga pulis at vigilantes kaugnay ng drug war ni PDu30?”

Sa pahayag ni Duterte, kapag naipasa ang death penalty bill at naging ganap na batas, 5 hanggang 6 na preso ang ipabibitay niya araw-araw. Kung ganoon, may katwiran si kaibigan na hindi na kailangan ang death penalty dahil ang napapatay kada araw sa drug war ay 10 o higit pa. Bukas, ay pista ng Itim na Nazareno. Tinatayang 18 milyon ang sasama sa prusisyon. Batay sa ulat ng BALITA, ang gayong karaming sasama sa Pista ng Poong Nazareno ay estimate ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Sinabi naman ni Manila Mayor Joseph Estrada, handa ang siyudad para pangalagaan ang seguridad ng mga taong sasama sa traslacion. Ingat, ingat sa posibleng karahasan ng mga terorista, gaya ng ISIS, Maute Group, Abu Sayyaf upang guluhin ang selebrasyon ng mga Kristiyano. (Bert de Guzman)