ISA si Ken Chan sa apat na leading men ni Barbie Forteza sa rom-com series ng GMA-7 na Meant To Be. Dumating si Ken sa presscon na may hikaw sa kaliwang tenga at may balbas. Ginawa niya ito para mas may angas ang dating at bumagay sa karakter niyang may kayabangan, puno ng angst at frustrations dahil illegitimate son ng Chinese businessman.
Ni-reinvent din ni Ken ang sarili para maiba sa hitsura niya sa role niya sa Destiny Rose at nag-succeed siya dahil bumagay ang “maangas” at “manly” looks sa kanya.
Marami ang kinikilig kina Ken at Barbie, kaya may KenBie group of fans nang sumusuporta sa tambalan nila at nakikipagsabayan sa ingay sa VanBie fans nina Ivan Dorschner at Barbie.
Ang advantage ni Ken, matagal na silang magkaibigan ni Barbie at komportable na sa isa’t isa.
“Nasisira lang kami sa mga eksenang pa-sweet at pakilig dahil tawanan kami nang tawanan. Hindi agad makunan ni Direk LA (Madridejos) ang eksena namin dahil natatawa kami ni Barbie. Ang ginagawa namin, bago kunan ang eksena, nagtititigan muna kami nang matagal ni Barbie and it works, nawawala ang ilang factor sa amin,” kuwento ni Ken.
Ipinarating namin kay Ken ang reaction ng ibang fans na may hawig sa Meteor Garden ang Meant To Be at may nagsasabi rin na gagayahin ni Barbie ang role ni San Chai (Barbie Xu) si Ken naman daw si Dao Ming Si (Jerry Yan).
“Panoorin na lang nila ang show at tingnan nila kung pareho ba ang Meant To Be sa Meteor Garden, pero ako kumuha ako ng idea at ginawa kong peg si Dao Ming Si. Pinanood ko uli ang Meteor Garden na pinanood ko noong bata pa ako hindi para gayahin kundi kumuha lang ng idea,” dagdag ni Ken.
Natutuwa si Ken na finally ay leading man na siya sa rom-com series at natupad din ang wish na after Destiny Rose ay lalaking role at karakter naman ang ibigay sa kanya ng Siyete.
Ang winu-workout na lang nila ni Barbie ay maipakita ang kanilang chemistry.
Sa Lunes, January 9 na ang pilot ng Meant To Be at tiniyak ni Direk LA, ng cast at production staff na magugustuhan ng viewers mula umpisa hanggang sa ending.
Hindi lang daw ito kilig serye dahil may mga aral ding matututuhan habang tumatakbo ang istorya. (NITZ MIRALLES)