Sinabi ng pinuno ng Social Security System na kung hindi tataasan ang kontribusyon ng mga miyembro kapag maipatupad ang P2,000 pagtaas ng pension ay magiging bangkarote ang SSS pagdating ng 2032.

Ayon kay SSS Chairman Amado Valdez, isa lamang ang pagtaas ng 1.5 porsiyento sa kontribusyon sa mga panukalang hakbang upang tuluy-tuloy ang serbisyo ng ahensiya.

Nandiyan din ang pagtaas ng buwanang salary credit sa P20,000 mula sa dating P16,000, sabi ni Valdez. Kapag naipatupad ito ay tatagal pa ang lifeline ng ahensya hanggang 2042.

Tinatayang 2.2 milyong ang pensiyonado ng SSS.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Kamakailan, inihayag ng mga economic manager ni Pangulong Duterte na delikadong itaas ang pensiyon ng mga miyembro kung walang pagtaas ng kontribusyon.

Ipinahayag ng grupo na kinabibilangan nina Budget Secretary Benjamin Diokno, Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia at Finance Secretary Carlos Dominguez III, na tataas ang pagkakautang ng ahensya ng hanggang P5.9 trilyon sa World Bank kung ipipilit na hindi magtataas ng kontribusyon ng mga miyembro ng SSS.

Giit nila, dapat itaas muna ang kontribusyon ng mga miyembro, na katumbas ng 17 porsiyento ng kanilang basic salary, mula sa kasalukuyang 11 porsiyento.

Noong Disyembre ay may nagpanukalang ibigay ang kalahati ng nakatakdang dagdag sa pensiyon ngunit lumalabas na mauunsyami ito matapos pag-aralan ng Malacañang ang katayuang pinansiyal ng SSS. (Rommel Tabbad)