TULAD ng isinulat ko noong Bagong Taon ng 2016, ganito rin ang nais kong sulatin ngayong Bagong Taon ng 2017 na bahagi ng tula ng isang makata na hindi ko na matandaan ang pangalan: “Tapos na ang lahat/ lahat ay natapos/ sa iisang iglap, sa akin nalabi/ ay ang tanging hangad/ na magbagong-buhay/ sa bagong daigdig/ ng mga pangarap.”

Dahil sa paggunita sa ika-120 anibersaryo ng kamatayan ni Jose Protacio Mercado Rizal y Realonda (Dr. Jose Rizal), gumawa naman ako ng ganitong tula para sa mga kabataan na kung tawagin ni Mang Pepe ay “Pag-asa ng Bayan” na kung tagurian ngayon ay Millenials: “Ang tinutula ko’y/ tula ng Milenyum/ Ngayong naririto/ Itong Bagong Taon/ Paliliparin ko/ Ang imahinasyon/ Sa Kapayapaang/ Aking hinahabol.”

Para kay Rizal, “Ang kabataan ang Pag-asa ng Bayan.” Para naman kay President Rodrigo Roa Duterte, “Mahalaga sa akin ang kabataan; papatayin ko kayong mga tulak at adik.” Paulit-ulit na pangungulit ng mga netizen at mamamayan Mr. President: “Ang itumba ay iyong bigtime shabu suppliers at drug lords sapagkat habang naririyan sila, hindi mawawala ang mga drug pusher at user dahil may nagagamit at naibebenta silang shabu at iba pang bawal na gamot.”

Sa homily o sermon ni Pope Francis mula sa Vatican City noong New Year, nagpahayag siya ng kalungkutan bunsod ng umano’y pagiging “cold and calculating” ng mga lipunan at kawalan ng compassion sa mga mamamayan ng mundo. Marahil ay pinatutungkulan niya ang karahasan at patayan sa Syria (Aleppo at Mosul), Libya, at Turkey na kamakailan lang ay 32 ang napatay ng gunman sa isang sikat na night club doon. Sa Pilipinas naman, mahigit na sa 6,000 ang napapatay sa drug war ng Du30 administration.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa misa sa St. Peter’s Basilica, sinabi ng Santo Papa na ang mga tao at lider na may “narcissist hearts” ay dumaranas ng “loss of the ties that bind us and the sense of belonging in society.” Binigyang-diin ni Lolo Kiko na ang kailangan ngayon ng mundo ay higit na pagpapakumbaba at pagmamahal, sapagkat ang ganitong mga katangian ay tanda ng kalakasan at hindi ng kahinaaan.

Nalulungkot din si Pope Francis sa umiiral ngayong “spiritual orphanhood” o kawalan ng kahalagahang-ispirituwal. Sa pagsasalita sa mismong World Day of Peace para sa 1.2 bilyong mananampalataya ng Roman Catholic Church, sinabi niya na ang kapayapaan ay nalilikha sa pamamagitan ng “No hate and violence and Yes to brotherhood and reconciliation.” Sa panig ng Pilipinas, sana naman ay mahinto na ang araw-araw na patayan na ang kalimitang biktima ay mga nakatsinelas na ordinaryong drug pushers/users samantalang waring protektado ang big-time shabu suppliers/drug lords.

May mga nagsasabing sa halip na tawagin si Vitaliano Aguirre II bilang Justice Secretary, siya ay dapat tawaging “Secretary of Hyperbole.” Nang magbanta si Du30 na sususpendihin ang privilege of writ of habeas corpus, ito raw ay hyperbole lang. Hyperbole din daw nang sabihin ng pangulo na hindi niya papayagang mabilanggo si Region 8 CIDG Supt. Marvin Marcos sa pagpatay kay Mayor Espinosa; at nang ihulog niya ang isang kidnapper sa helicopter, at iba pa. Sabi ng isang writer: “Hyperbole is defined as exaggerated statements or claims not to be taken literally.” Sundot ng manunulat: “Hindi kaya ang assurances ni Sec. Aguirre sa mga pahayag ni Du30 ang tunay na hyperbole?”.

(Bert de Guzman)