Nasawi ang isang helper makaraang pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay na nagalit sa kanya matapos umano niya itong pakialaman sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa Tondo Medical Center si Randy Verbo, 22, ng Block 39, Lot 4, Phase 3, Barangay 12 na nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nadakip naman sa follow-up operation ang suspek na si Kim Jelou Garan, 19, ng Lot 3, Phase 4, Bgy. 12 at ngayo’y nahaharap sa kasong homicide.
Sa report ni PO2 Alvin Pascua, bandang 1:30 ng madaling araw, lasing na lasing ang suspek at binabastos ang mga babaeng dumadaan sa kahabaan ng Dagat-Dagatan Street, Caloocan City.
Sinaway umano ito ni Verbo na sobrang ikinagalit ng suspek dahilan upang siyang pagsasaksakin.
Unang dinala sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktima, ngunit inilipat sa Tondo Medical Center hanggang sa tuluyang namatay. (Orly L. Barcala)