DAVAO CITY – Pinasalamatan ni Mayor Inday Sara Duterte ang mga taga-lungsod matapos na walang nasugatan ng rebendator, kwitis at iba pang paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Sinabi ng Davao City police at Task Force Davao na nakatala sila ng “zero casualty” sa paputok, patibay na naging epektibo ang firecracker ban na umiiral sa lungsod.
Sa isang press statement, nagpasalamat si Duterte sa mga Dabawenyo para sa kanilang kooperasyon sa pagdiwang ng Bagong Taon na ligtas na pamamaraan.
“Ang Davao ay pruweba na posibleng magkaroon ng masayang selebrasyon kahit walang paputok na maaaring ikasugat natin at n ating mga anak,” saad ng mayor.
Mula pa 2013, ipinagdiriwang ng Davao City ang Torotot Festival tuwing Bagong Taon upang itaguyod ang mga pampaingay na maaring ipalit sa paputok.
Ang countdown para sa 2017 na ginanap sa Rizal Park ay pinanood ng 5,000 Dabawenyo. Kasama sa kasayahan ang mga contest tulad ng Most Creative Torotot, Best Torotot-inspired Costume, Best Torotot-inspired Cosplay, Best Torotot-Hip Hop Dance Group, and Best Torotot-inspired Zumba Dancer.
Si President Duterte ang nagsimula ng firecracker ban sa Davao noong 2001 nang siya’y alkalde pa.
Noong 2002, pinasa ng city council ang isang ordinansang nagbabawal sa paggawa, pagbenta at pag-aari ng mga paputok.