Sa gitna ng katakut-takot na reklamo mula sa publiko laban sa mga abusadong taxi driver, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na arestuhin ang mga driver na sobra-sobra kung maningil sa kanilang pasahero.

Ayon kay Duterte, sa halip na maghain ng reklamo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), maaari nang magreklamo ang publiko sa pulisya.

Aniya, hindi LTFRB ang akmang ahensiya para rito dahil wala itong mga tauhan para magpatupad ng mga patakaran.

“Go to the police. They’re (all) around Metro Manila. May communications ‘yan,” pahayag ni Duterte.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“I am ordering the police to arrest them. For what? Estafa. It’s a crime, swindling,” aniya.

Sinabi rin ng Presidente na inoobliga niya ang lahat ng taxi at maging mga public utility jeepney (PUJs) na magsabit ng malaking identification (ID) card, kalakip ang pangalan ng kanilang taxi at ang kanilang plate number, sa likod ng kanilang upuan.

Pinasalamatan ni Duterte ang suportang ibinigay sa kanya ng mga driver ng public transport group noong panahon ng kampanya. At ito ang naging dahilan kung bakit sinisikap ng kanyang administrasyon na labanan ang kriminalidad, partikular na ang holdapan.

Gayunman, binalaan niya ang mga ito sa pang-aabuso.

“You will end up just like your victims... I’m not trying to scare you, I’m just trying to put sense into your head,” sambit ni Duterte.

Ayon sa pangulo, may inilabas ang pamahalaan ng mga singil sa pasahe at kung hindi umano sila kuntento rito, maaari silang maghain ng petisyon para ito’y taasan.

“But don’t do it on such a way na pababain niyo ang pasahero, tatakutin ninyo,” sabi pa ni Duterte. (Elena L. Aben)