Pitong katao ang nasawi, kabilang ang dalawang menor de edad at isang buntis, habang isa pa ang nasa malubhang kalagayan makaraang pagbabarilin sila ng apat na hindi pa nakikilalang lalaki sa North Caloocan City, nitong Miyerkules ng gabi.
Dead on the spot sina Angelito Soriano, 16; Jonel Segovia, 15; Sonny Espinosa, 20; Cristina Santor, 45; Annalyn Dayamla, 25, na tatlong buwang buntis; Ednel Santor, 22; Kenneth Lim, 20, pawang taga- Package 14, Barangay 176, Bagong Silang.
Nagtamo ang mga biktima ng mga tama ng bala ng .45 caliber sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ginagamot naman sa Jose Rodriguez Memorial Hospital si Edward Villanueva, 18, kapitbahay ng mga biktima, sa tinamong ligaw na bala.
Ayon sa report ni PO3 Rommel Caburog, dakong 9:00 ng gabi at nanonood ng telebisyon ang mga biktima sa bahay ng pamilya Santor sa Block 17, Lot 36, Phase 8A Package 14, Bgy. 176 sa Bagong Silang nang biglang pumasok ang apat na suspek at nagpaulan ng bala.
Sa dami ng mga balang pinaputok ng mga salarin, tumagos pa sa dingding ang ilang bala ng .45 caliber pistol na tumama naman sa bahay ni Villanueva kaya tinamaan din siya.
Kaagad namang tumakas ang mga suspek sakay sa dalawang motorsiklo ng walang plate number.
Batay sa isang impormasyon, ginagawa umanong drug den ang bahay ng mga Santor, na pinabulaanan naman ng pamilya.
Hinala naman ng pulisya, posibleng gang war ang motibo sa pamamaslang dahil ilan sa mga napatay ay miyembro ng Scouts Royal Brotherhood, na pinamumunuan ng isang Toks Francisco.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa crime scene ang 16 na basyo ng bala ng .45 caliber at tatlong plastic sachet ng shabu. (ORLY L. BARCALA)