Hassan Whiteside

Miami Heat, nanlamig sa angas ng Thunder; Rockets at Jazz wagi.

MIAMI, Florida (AP) – Masigasig sa simula ang Oklahoma City Thunder tungo sa dominanteng 106-94 panalo kontra Miami Heat nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Pinangunahan ni Russell Westbrook ang Thunder sa pagpalobo ng bentahe sa 33-19 sa first quarter at hindi nakatikim na pagbabanta sa Heat tungo sa ikaapat na sunod na panalo.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Nakumpleto ni Westbrook ang ika-15 triple-double ngayong season sa naiskor na 29 puntos, 17 rebound at 11 assist. Nakopo ng Thunder ng ika-20 panalo sa 32 laro.

Nag-ambag si Enes Kanter ng 19 puntos at walong rebound, habang tumipa si Steven Adams ng 15 puntos at walong rebound para sa Oklahoma City, sunod na haharapin ang Memphis Grizzlies.

Natikman ng Heat ang ikalawang sunod na kabiguan at ika-22 sa 32 laban.

Nanguna si Josh Richardson sa Heat sa nakubrang 22 puntos, habang nagtumpok si Hassan Whiteside ng 12 puntos.

ROCKETS 123, MAVERICKS 107

Sa American Airlines Center, sumambulat ang outside shooting ng Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na kumana ng 24 puntos, para pabagsakin ang Dallas Mavericks.

Ratsada ang Rockets sa matinding 29-10 blitz, tampok ang lima sa kabuuang 17 three-pointer sa second half para palawigin ang bentahe sa 66-47.

Nahila ng Houston ang kalamangan sa 29 puntos sa final period at bigong makagawa ng scoring run ang Dallas sa tensyonadong laro na nagresulta sa walong technical foul, dalawang flagrant at isang ejection.

Hataw si Ryan Anderson sa nakubrang 22 puntos, habang umiskor si Eric Gordon ng 13 marker para sa Houston na tumatag sa 24-9 karta.

Nanguna si Harrison Barnes sa naiskor na 21 puntos, habang nag-ambag si Wes Matthews ng 19 sa Mavericks na nabigo sa ikalawang sunod at nalaglag sa 9-23 karta.

Nalimitahan si Mavs star Dirk Nowitzki sa pitong puntos at nabokya si Andrew Bogut.

JAZZ 102, LAKERS 100

Sa Staples Center, nadismaya ang home crowd nang maisalpak ni Joe Ingles ang go-ahead triple para sandigan ang Utah Jazz sa pahirapang panalo sa Lakers.

Nakaabante ang Lakers sa 99-97 mula sa magkasunod na jumper ni Julius Randle, ngunit naitabla ni Rudy Gobert ang iskor mula sa putback may 56 segundo ang nalalabi. Nadepensahan ng Utah ang LA para sa shotclock violation at bigyan daan ang three-pointer ni Ingles para sa 102-99 may 21.6 sa laro.

Nakapuntos sa free throw si Randle mula sa foul ni Gobert, bago sumablay ang French center sa sariling free throw para bigyan ng tyansa ang Lakers na maagaw ang panalo, ngunit sablay ang buzzer-beating trey ni D’Angelo Russell.

Hataw si Gordon Hayward sa Jazz sa naitumpok na 31 puntos, habang nag-ambag si Inglish ng 13 puntos para tuldukan ang three-game losing skid ng Jazz.

CELTICS 113, GRIZZLIES 103

Sa Boston, ginapi ng Celtics, sa pangunguna ni Avery Bradley na tumipa ng 23 puntos, ang Memphis Grizzlies para sa ikalawang sunod na panalo ng host team.

Nag-ambag si Isaiah Thomas sa naiskor na 21 puntos, habang umiskor si Gerald Green mula sa bench ng 19 puntos para sa Boston (19-13).