MAGSISILBI munang cheerleader ng koponan si 2016 Rio Olympics women’s weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz sa pagsabak ng bansa sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ito ang sinabi ni Philippine Weightlifting Association (PWA) president Monico Puentevella matapos malaman na hindi isinali ang lahat ng event para sa kababaihan sa sports na weightlifting sa biennial meet na nakatakda sa Agosto 19-31.
“Kinausap ko na siya na cheerleader na lang muna kami at bigyan ng inspirasyon ang mga kasamahan niya na kasali sa SEA Games,” sabi ni Puentevella, nailuklok muli sa kanyang dating posisyon matapos magsilbing Mayor sa Bacolod at magbitiw sa puwesto ang dating presidente ng asosasyon na si Roger Dullano.
“Nag-promise naman siya kahit kasabay sa SEA Games iyung isa sa sasalihan niyang Olympic qualifying tournament para sa 2020 Tokyo,” sabi ni Puentevella.
Kabilang ang weightlifting sa direktang maapektuhan ng pagbabawal ng host na Malaysia sa paglahok ng mga kababaihan dahil sa potensyal na panalo ni Diaz.
“Inalis kasi nila ang lahat ng event ng mga babae sa weightlifting,” sabi ni Puentevella.”I don’t know how it will affect our campaign but our Task Force should look into how many gold medals were won by our lady athletes the last time around and then look at other sports na inalis din ang mga women’s event,” aniya.
Kabilang sa walang women’s event sa 2017 SEA Games ang Muay at Wushu.
“We will only be sending Nestor Colonia, Jeffrey Garcia and John Paolo Rivera Jr.,” pahayag ni Puentevella.
(Angie Oredo)