SUWAK ngayong Pasko at Bagong Taon na bigyang-pugay ang isang grupo ng Philippine Army. Sila ang nagbibigay ng pag-asa at masasabing “pamasko” sa iba’t ibang bahagi ng Central Visayas kahit hindi Disyembre.

Ang 1901st Ready Reserve Infantry Brigade ay unit ng Hukbong Katihan na pawang mga “volunteer” dahil nga sa sila ay mga Laang-Kawal o Reservist. Ibig sabihin, walang suweldo, allowance, at kung ano pang dagdag gastusin ang Pamahalaan o kay Juan de la Cruz, para lang makatulong ang nasabing grupo. Baligtad nga ang nagaganap – ang mga Reservist pa ang kusang tumutustos sa bawat lakad at pagkalinga sa mga kababayan nating nangangailangan. Puso ang pinupuhunan at ang antig ng pagiging makabayan ang nagsisilbing mitsa upang ang iba’t ibang uri ng tao ay magkaisa at magsama-sama.

Andyan ang mula sa sektor ng akademya, media, atbp. sa propesyon ng mga abogado, doktor, nurse, engineer, negosyante at kahit mga fresh graduate, sumusukob sa panata ng kahandaang mag-alay. Nitong huling buwan ng 2016, tinapos ng 1901st ang apat na kawang-gawa sa Ibo, Danao, Camotes Island, Dumanjug sa lalawigan ng Cebu at sa Sevilla, Bohol.

Itong huling lakad ay tinampukan muli ng pinagsamang mga sibilyan at hukbong “civic action”. Kasama ang mismong gobernador ng Bohol na si Edgar Chatto na tumulong sa mga gamot, Department of Health Regional Director—Dr. Jaime Bernadas, Philippine Navy sa sinakyang barge mula Cebu hanggang Tubigon, Bohol, 511th Naval Reserve Squadron, 5th ARCEN Philippine Air Force, 1305th Dental Dispensary, 1st Bohol Ready reserve Battalion, 302nd Brigade, Lt. Colonel Dodgie Belloga ng 47th Infantry Battallion, 5th TAS Group, 7th RCDG, at higit ang Central Command sa pagdalo ni Deputy B/General Allan Arrohado. Nariyan din ang Office of the Presidential Adviser ng Visayas, Johndorf Ventures Corp. ni Guy Gabison, Visayan Nazarene Bible College, 360 Pharmacy, Alturas Group of Companies, Dunkin Donuts, Alpha Mu Sigma Phi Fraternity, at University of Bohol. Halos 1,969 ang benepisyaryo, kabilang ang 400 katao na nag-seminar sa droga ng Phil. Drug Enforcement Agency. Sa pagsusuma ay umabot na sa 8,163 ang natulungan ng unit sa kabuuang P4M halaga ng pagkalinga at serbisyo. (Erik Espina)

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan