TARLAC CITY - Nauwi sa suntukan at saksakan ang inuman sa Saresa Street, Barangay Sapang Tagalog sa lungsod na ito, na ikinasugat ng apat na katao, nitong Linggo ng gabi.
Sa report ni PO3 Gerald Dela Vega, kinilala ang mga biktimang sina Ryan Cayabyab, 26, binata; Darwin Quiambao, 25, welder; at Rolando Narciso, 36, car painter, pawang construction worker sa Bgy. Sapang Tagalog, Tarlac City.
Nasugatan din sa rambulan ang umano’y nanaksak na si Dexter Salvador, 27, isa ring obrero at residente sa nasabing barangay.
Dakong 9:00 ng gabi at nag-iinuman ang apat nang magtalo at magkasigawan hanggang sa tuluyang magrambulan: sinaksak ni Salvador si Cayabyab at nang umawat sina Quiambao at Narciso ay sinaksak din sila ni Salvador, na pinagtulungan naman nilang suntukin. (Leandro Alborote)