Cavs, nakalusot sa Warriors; Thunder, Spurs, Lakers at Celtics, umarangkada.
CLEVELAND, OHIO (AP) – Naisalpak ni Kyrie Irving ang short jumper sa harap ng depensa ni Klay Thompson may tatlong segundo ang nalalabi para tuldukan ang matikas na pagbalikwas ng Cavaliers mula sa 14 puntos na pagkakasadsad tungo sa 109-108 panalo laban sa Golden State Warriors sa Araw ng Kapaskuhan nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Umabante ang Warriors sa 94-80 may siyam na minuto ang nalalabi bago rumatsada ang Cavaliers, sa pangunguna ng dunk ni Richard Jefferson mula sa assist ni Irving para sa ikaapat na sunod na panalo ng Cleveland.
Hataw si LeBron James sa natipang 31 puntos mula sa 12- of-22 shooting at humugot ng 13 rebound para sa ika-23 panalo ng Cavaliers sa 29 laro.
Kumubra si Irving ng 25 puntos at 10 assist, habang kumana si Kevin Love ng 20 puntos mula sa 5-of-13 shooting.
Matikas ang Warriors sa second-quarter kung saan napalobo ang bentahe sa 11. Ngunit, unti-unti itong tinapyas ng Cavaliers bago selyuhan ni Irving ang come-from-behind win at putulin ang winning strek ng Warriors sa pito.
“We gave them a gift … shot ourselves in the foot,” sambit ni Klay Thompson, tumipa ng 24 puntos mula sa 9-of-16 shooting para sa Golden State Nanguna si Kevin Durant sa Warriors sa naiskor na 36 puntos, habang pumitas si Curry ng 15 puntos mula sa 4-of-11 shooting.
THUNDER 112, WOLVES 100
Sa Oklahoma City, nadomina ng Thunder ang tempo ng laro sa third quarter tungo sa impresibong panalo kontra Wolves.
Sinandigan nina Russell Westbrook at Steven Adams ang ratsada ng Thunder sa third period para palobohin ang bentahe sa 80-68 tungo sa ikatlong sunod na panalo.
Nagsalansan si Westbrook ng 31 puntos at 15 assist para sa ika-19 panalo ng Thunder sa 31 laro. Kumubra si Adams ng 22 puntos mula sa 9-of-12 shooting, habang nag-ambag si Enes Kanter mula sa bench ng 20 puntos.
Natamo ng Timberwolves ang ikalawang sunod na kabiguan at ika-21 sa 30 laro. Nanguna sina Karl-Anthony Towns at Andrew Wiggins sa Wolves sa natipang 36 at 23 puntos, ayon sa pagkakasunod.
SPURS 119, BULLS 110
Sa San Antonio, Texas, naisalba ng Spurs ang matikas na pakikihamok ng Chicago Bulls sa second-quarter tungo sa matikas na panalo kontra Chicago Bulls.
Nanguna si LaMarcus Aldridge sa San Antonio para sa ika-25 panalo sa 31 laro ng Spurs.
Nakuha ng Spurs ang maagang bentahe sa 25-19, sa second half, bago nagawang makabawi ng Bulls para sa ikatlong sunod na panalo.
Kumawala si Aldridge sa naiskor na 33 puntos, habang tumipa si si Kawhi Leonard na may 25 puntos at 10 rebound. Nag-ambag di Tony Parker ng 13 puntos at walong assist, habang kumana si Pau Gasol ng 12 puntos.
Hataw si Dywane Wade sa naiskor na 24 puntos, mula sa 9-of-16 field goal, habang umikor si Jimmy Butler ng 19 puntos.
LAKERS 111, CLIPPERS 102
Sa labanan ng sister team, kumawala ang Lakers sa final period para pabagsakin ang LA Clippers.
Nagbaba ang Lakers ng 12-0 run para palakihin ang bentahe sa halftime, 67-58. Nabokya ang Clippers sa field goal sa loob ng limang minuto para mapalawig ng Lakers ang bentahe sa third period.
Hataw si JJ Redick’ ng 22 puntos, kabilang ang 19 sa second half, ngunit nabalewala ito sa banat ng Lakers, sa pangunguna ni Timofey Mozgov na kumana ng 19 puntios.
Umiskor din ng double digit ang lima pang Lakers Seven Lakers players, kabilang si Lou Williams at Russel sa naiskor na 19 at 12, ayon sa pagkakasunod.
CELTICS 119, KNICKS 114
Sa Madison Square Garden, nabitiwan ng Boston Celtics ang bentahe sa krusyal na sandali ngunit nakabawi sa huling sigwa tungo sa pahirapang panalo laban sa New York Knicks.
Tangan ng Celtics ang 109-96 abante may limang minuto ang nalalabi sa laro nang rumagasa ang opensa ng Knicks para maitabla ang iskor sa 112 may isang minuto sa laro.
Naisalpak ni Marcus Smart ang triple may 47 segundo ang nalalabi para maibalik ang bentahe sa Celtics at selyuhan ang ika-18 panalo sa 31 laro.
Nanguna si Isaiah Thomas sa Boston sa naiskor na 27 puntos, habang nag-ambag sina Jae Crowder at Kelly Olynyk ng 16 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Hataw si Carmelo Anthony sa natipang 29 puntos para sa Knicks, habang nagsalansan si Derrick Rose ng 25 puntos para sa ika-14 na kabiguan sa 30 laro.