Mga laro ngayon
(Philippine Arena, Bulacan)
3 pm Mahindra vs.Blackwater
5:15 pm Ginebra vs. Star
Mapantayan kung hindi man malagpasan ang record na bilang ng mga manunood noong opening ng taong 2014 ang target ng PBA sa pagdaraos ng tinaguriang “Manila Classico” na ngayo’y tatawaging “Christmas Classico” sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Umabot sa 52,612 ang bilang ng mga nanuod sa opening ng Season 40 ng liga kung saan tampok ang laban ng Ginebra at San Miguel Beer.
Tampok naman ngayong Pasko ng taong 2016 ang inaantabayanang tapatan ng Kings at Star para sa pagpapatuloy ng Season 42 Phililipine Cup sa ganap na 5:15 ng hapon.
Mauuna rito ang pagtutuos ng Mahindra at Blackwater sa pambungad na laban sa ganap na 3:00 ng hapon.
Tatangkain ng Kings na bumalik sa winning track kasunod ng nakapanlulumong 86-101 na pagkabigo sa Alaska noong Disyembre 18 na nagbaba sa kanila sa barahang 2-3, panalo- talo kasalo ng Meralco sa ikalimang puwesto.
Target naman ng Hotshots na dugtungan ang malaking panalo (99-91) na nakamtan kontra Rain or Shine noon ding Disyembre 18 na nag- angat sa kanila sa kartadang 3-2 kapantay ng Batang Pier at isang panalo ang pagkakaiwan sa pumapangalawang Talk N Text, Rain or Shine at Blackwater.
Ito ang unang pagkakataon na sasalang si Paul Lee bilang bahagi ng Star Hotshots kontra Gin Kings na inaasahang babawi mula sa nakakadismayang laro na ipinakita kontra Aces.
Tangka ng Elite na makapagsolo sa second spot sa pagpuntirya ng ikalima nilang panalo kontra sa winless pa ring Mahindra Floodbusters.
Puntirya naman ng Blackwater ang longest winning streak ng prangkisa sa pag-asinta sa ikatlong sunod nilang panalo matapos ang naiposteng back-to-back wins kontra NLEX at Globalport.
Sa kabilang dako, asam naman ng Floodbusters na makamtan na ang asam na unang panalo ngayong Pasko kasunod ng unang limang sunod na talo.