ISANG may 54 na segundong cell phone video ang viral ngayon sa social media at inaasahan kong magpapaalab pa ito sa silakbo ng damdamin ng mga taong sagad na ang galit sa tila walang katapusang pagpatay na nagaganap ngayon sa buong kapuluan, simula nang pumasok ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte at ipatupad ang kanyang giyera laban sa ilegal na droga.

Ang video ay kuha sa mga rumespondeng pulis na walang pakundangang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lalaking kanilang tila inaaresto sa harapan ng isang bangko sa San Pedro, Laguna nitong lamang bago mag-weekend.

Kitang-kita sa malinaw na video kung papaanong hinihila ng mga pulis ang suspek na wari namang nakikipagtalo pa at ayaw sumama o pahila sa mga pulis na nakabunot na ng baril habang itinutulak ng isa sa kanila ang suspek— sinundan ito ng tatlong magkakasunod na putok ng baril na nagpalugmok sa lalaki habang nakatanga at nanonood lang sa kanila ang mga security guard ng naturang bangko.

Si MADAM CLAUDIA, isang fictional character sa Facebook, ang nag-post ng video ilang oras matapos itong maganap at agad naman itong nag-viral at umani pa ng mga komentong tumutuligsa sa mga pulis na kung umasta raw ay parang lisensiyadong basta-basta na lang pumapatay – feeling si James Bond daw ang mga ito, ang British Agent 007 sa pelikula na binansagang LICENSED TO KILL, dahil hindi siya nakukulong at nakakasuhan kahit ilan pa ang mapatay niya.

May basbas raw kasi ng Reyna ng Britaniya ang pagpatay ni Agent 007 at ang sa mga pulis naman daw natin ay may basbas na galing naman kay PRRD.

Todo-batikos naman ang mga supporter ni PRRD kay MADAM CLAUDIA na ayon na rin sa kanila ay isang bayarang DILAWANG mamamahayag daw na ang layunin ay siraan ang kasalukuyang administrasyon. Ang depensa naman ni MADAM CLAUDIA ay batay sa katotohanan ang kanyang mga post at hindi batay sa mga fake news site na ipinakakalat naman ng mga tinatawag niyang DUTERTARDS.

Para sa akin naman – dapat nang itigil ang bangayang ito ng dalawang kampo – matagal na kasing natapos ang eleksiyon at napapanahon na para tayo naman ang maningil sa mga pulitikong ating inihalal upang maluklok sa kani-kanilang mga puwesto. Pare-pareho... tayong galit sa ilegal na droga at dapat lang talaga na malipol ito, ngunit hindi natin dapat na isakripisyo at isuko ang ating karapatang pantao sa mga awtoridad na gustong mag-short cut sa kanilang trabaho – dahil kapag pinayagan natin ito, maraming ganitong uri ng video ang araw-araw na bubulaga sa ating pagso-social media.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)