Inihayag kahapon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pumalo na sa P1.4 trilyon ang kabuuang koleksiyon ng kawanihan sa nakalipas na 11 buwan ng taon.
Batay sa report na isinumite sa Department of Finance (DoF), sinabi ni BIR Commissioner Caesar R. Dulay na ang koleksiyon ngayong taon ay mas mataas ng mahigit P127 bilyon kumpara sa nakolekta noong Enero-Nobyembre 2015.
Katumbas nito ang 9.6 na porsiyentong pagtaas sa taunang koleksiyon ng BIR, ayon kay Dulay.
Ang koleksiyon nitong Nobyembre lamang ay umabot sa P157 bilyon, 15.3% o mas mataas ng P21 billyon sa P136 bilyon nakolekta noong Nobyembre 2015.
Gayunman, sinabi ng mga opisyal ng BIR na lubhang mababa pa rin ang P1.4 trilyon sa target at imposibleng makatupad sa P2 trilyon na itinakda para sa 2016 dahil hindi umano makatotohanan ang goal ng fiscal authorities, ayon sa DoF.
(Jun Ramirez)