KUNG hindi kikilos si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tabasin ang tumutubong sungay ng kurapsiyon sa kanyang administrasyon, tulad ng nangyayari sa Bureau of Immigration and Deportation (BID), LTFRB at iba pa, baka mabalaho ang kanyang political mantra na “Change is Coming” o Parating na ang Pagbabago.

Umaasa ang mga Pinoy na naghalal sa kanya (16.6 milyong boto) na hindi barya-barya ang magiging pagbabago (change) na isusukli ni Mano Digong kundi mga tunay na pagbabago at reporma na hindi raw naibigay ng PNoy administration.

Sa kontrobersiya o alingasngas sa BID, dalawang fraternity brother nina Pres. Rody at Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa Lex Talionis na parehong BID commissioner ang umano’y “tumanggap” ng P50 milyong suhol o “padulas” para palayain ang 1,300 Chinese na nagtatrabaho nang ilegal sa Fontana Resort Park and Casino sa Clark.

Hindi ba maging si King of Wig, este Justice Aguirre, ay umamin mismo na siya raw ay pinagtangkaang suhulan ni casino gaming operator Jack Lam ng P100 milyon kada buwan sa pamamagitan ni Ret. Gen. Wally Sombero. Tinanggihan daw niya ito dahil naniniwala siya sa patakaran ni Du30 na bawal ang kurapsiyon sa ano mang departamento o tanggapan ng pamahalaan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kinilala ni Aguirre ang dalawang BID deputy commissioner na sina Al Argosino at Michael Robles na nagsauli ng P30 milyon mula sa P50 milyong cash na umano’y tinanggap nila mula sa kampo ni Chinese casino mogul Jack Lam. Mahigpit nilang itinanggi na tumanggap sila ng suhol. Gayunman, ipina-relieve pa rin sila ni Aguirre at inirekomenda pa kay PRRD na sibakin na sila. Maging si Aguirre ay nagsabi na siya man ay magbibitiw kapag naramdaman niyang wala nang tiwala sa kanya ang pangulo. Imagine, sabi nga ng mga netizen, si Sen. Leila de Lima ay inaakusahan nila ng pagtanggap ng P8 milyon mula sa drug lord na si Kerwin Espinosa, pero heto ngayon ang dalawang BID deputy commissioner na akusado sa P50 milyon.

Mas malakas pa raw sa kalabaw si Pres. Du30, ayon sa mga tagapagsalita ng Presidente. Gayunman, inamin ni Mano Digong noong Lunes na may problema siya sa kalusugan, kabilang ang umano’y araw-araw na migraine. Sa Wallace Business Forum dinner sa Malacañang, bigla niyang binanggit ang tungkol sa kalusugan habang inihahayag ang mga pagtatangka na siya ay patalsikin sa puwesto. “Oust me good. Assassinate me, better. I have this migraine every day.”

Bukod sa migraine, inamin ng Pangulo na may sakit din siya sa spine (gulugod), Buerger’s disease at Barrets (esophagus). Dahil daw sa paulit-ulit na sakit sa kanyang gulugod, umiinom siya ng pain killer na fentanyl, isang malakas na synthetic opiod analgesic o gamot sa matinding kirot na ginagamit sa mga pasyenteng may cancer.

Gayunman, sinabi niyang wala siyang kanser.

Maraming world leaders ang humahanga kay President Duterte dahil sa kanyang tapang at paglaban sa US, United Nations at European Union. Nang magtungo siya kamakailan sa Cambodian, bilib na bilib sa kanya ang Hari ng Cambodia, si King Norodom Simahoni, na nag-imbita para bumisita sa Cambodia. Sana ay humaba pa ang buhay ng ating Pangulo na determinadong sugpuin ang illegal drugs sa bansa at walisin ang kurapsiyon sa gobyerno! (Bert de Guzman)