MULA sa pagiging lider ng kani-kanilang koponan sa collegiate league, nakatakdang humakbang patungong pro ranks sina La Salle star forward Jeron Teng at San Beda guard Davon Potts.
Inaasahan na magiging top two pick sa gaganaping PBA D-League drafting ang UAAP Season 79 Finals MVP na si Teng at ang NCAA top man na si Potts.
May kabuuang 128 draftee ang lalahok sa rookie drafting na gaganapin sa Disyembre 20 sa PBA Cafe sa Metrowalk, Pasig City.
Kabilang sa mga nasabing aplikante ang 113 local amateur player at 15 Fil-foreign hopeful.
Bukod kina Teng at Potts, kasama ring lalahok sa draft sina San Beda standout Robert Bolick, Far Eastern University playmaker Monbert Arong, Letran big man Jom Sollano, at Southwestern University guard Mac Tallo.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 10 ang koponan na sasabak sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup na magbubukas sa Enero 19.
Hindi muna lalahok ang defending champion Phoenix, inaasahang magiging maigting ang labanan para sa titulo sa pangunguna ng Cafe France at Tanduay.
Ang iba pang mga koponang sasalang sa Aspirants Cup ay ang Racal, AMA Online Education, Blustar Malaysia, ang nagbabalik na Wangs Basketball at Jose Rizal University, at mga baguhang Cignal, Province of Batangas, at Manuel L. Quezon University. (Marivic Awitan)