Ginulat ni Pinoy FIDE Master Randy Segarra ang dalawang Belarussian Grandmasters para patatagin ang kampanya at inaasam na GM points sa pagsisimula ng Philippine International Chess Championships nitong Miyerkules sa Subic Bay Peninsular Hotel sa Zambales.

Ginapi ng 27th seed na si Segarra si Kirill Stupak sa opening round bago tumabla kay Vladislav Kovalev sa ikalawa para bigyan nang masiglang panimula ang kampanya ng Pinoy sa prestihiyosong torneo.

Sinopresa ni Segarra ang No.8 seed na si Stupak sa 46-move ng Caro-Kann Defense, bago pinuwersa ang No.6 na si Kovalev sa 30-move ng Queen’s Pawn London System.

Ito ang ikalawang panalo ni Segarra sa GM player sa kanyang career matapos makasilat din kay Armenian GM Avetik Grigorian sa parehong torneo may dalawang taon na ang nakalilipas.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“My preparation and a little bit of luck also helped me,” pahayag ng 38-anyos na si Segarra, coach ng La Salle chess team sa UAAP.

Naungusan naman ni International Master Jan Emmanuel Garcia ang kababayang si Ali Branzuela, habang nakisosyo ng puntos si GM John Paul Gomez, ang No.9 seed, sa katropang si IM Emmanuel Salvador at table rin ang laro nina Philippine Open champion GM Joey Antonio at untitled Manny Yu.

Nagtabla rin ang laro ni IM Ronald Bancod kay Indian IM Abhimanyu Puranik, gayundin ang duwelo nina IM Paulo Bersamina at nagbabalik na si Ricardo de Guzman kontra kina Rodolfo Panopio, Jr. at WIM Bernadette Galas, ayon sa pagkakasunod.

Nabigo naman si International Master Oliver Dimakiling kay top seed GM Wang Hao ng China; natalo si IM Haridas Pascua kay No. 2 GM Anton Demchenko ng Russia, gayundin sina IM Chito Garma kay Kovalev, Woman IM at bagong WGM Janelle Mae Frayna kontra No. 7 GM Merab Gagunashvili ng Georgia.

Hindi rin pinalad si Roel Abelgas kay No. 11 IM Tran Tuan Minh ng Vietnam; nabigo si Rolando Andador kay No. 14 GM Tigran Kotanjian ng Armenia, at si Emmanuel Emperado kontra No. 17 GM Jha Sriram ng India.

Pinangasiwaan nina National Chess Federation of the Philippines president Butch Pichay at secretary-general Bambol Tolentino ang opisyal na pagsisimula ng torneo, kasama sina board member Ruel Canobas at Neri Colmenares.

Ang final leg ay nakatakda sa Disyembre 12-19.