magic-temple_picture-lang_pls-crop-copy-copy

INIHAHANDOG ng ABS-CBN Film Restoration at Powerplant Cinemas Project ang digitally restored at re-mastered version ng ilan sa pinakamamahal na mga pelikula sa bansa sa “REELive the Classics” ngayong Disyembre, sa pangunguna ng fantasy-adventure film na Magic Temple ng batikang director na sina Peque Gallaga at Lore Reyes. Kasabay ng festival ang paggunita sa 20th anniversary ng nasabing pelikula. 

“Masaya kami na patuloy kaming sinusuportahan ng Rockwell. Ito na ang ikalawa naming ‘REELive the Classics’ restored film exhibition ngayong 2016. Talaga namang nakita namin ang umaapaw na suporta ng mga tao sa nagdaang taon, at maging ang millennials, may kamalayan na muli kung sino sina (Lino) Brocka, (Ishmael) Bernal, (Eddie) Romero, (Mike) de Leon, at iba pang napakahuhusay na director. Doon pa lang, masasabi kong nagtagumpay kami sa adhikain namin na makilala at mapanood ng marami pang henerasyon ang mga obrang ito,” sabi ng head ng ABS-CBN Film Restoration na si Leo Katigbak.

Ang kwento ng Magic Temple ay tungkol sa mga binatilyong sina Jubal (Jason Salcedo), Sambag (Junell Hernando), at Omar (Marc Solis), na itinakdang maging tagasagip ng kanilang mundo na Samadhi laban sa mapanlinlang at gahaman na mangkukulam na gusto itong kontrolin. 

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Bukod sa Magic Temple, itatampok din sa big screen ang mga de-kalibreng pelikulang Cain at Abel at Insiang ni Lino Brocka, ang restored na mga pelikula ni Vilma Santos na Dekada ’70 sa direksyon ni Chito Roño at Haplos ni Antonio Jose Reyes; Bagong Buwan na pinagbidahan ni Cesar Montano sa direksiyon ni Marilou Diaz-Abaya; Himala ni Ishmael Bernal, Tanging Yaman ni Laurice Guillen; Tatlong Taong Walang Diyos ni Mario O’Hara; at Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon ni Eddie Romero.

Magsisimula ang “REELive the Classics” ngayong Disyembre 7 at tatagal hanggang Disyembre 14 sa Rockwell Power Plant Mall. Ang ticket ay nagkakahalaga ng P230 at mayroong discounted price para sa estudyante na P200.

Para sa kabuuang schedule, bisitahin ang www.facebook.com/filmresto rationabscbn sa Facebook. 

Ang “REELive the Classics” ay bahagi ng ABS-CBN Film Restoration campaign na “Sagip Pelikula” na naglalayong isalba at i-restore ang classic films at maipakitang muli sa publiko sa iba’t ibang platforms.

Nakapag-restore na ang ABS-CBN Film Archives ng mahigit 120 pelikula simula 2011.