Nilinaw ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na hindi mapipigilan ang pag-aresto sa gaming tycoon na si Jack Lam kahit wala pang isinasampang kaso laban dito.
Depensa ng kalihim, ang utos ni Pangulong Duterte na arestuhin si Lam ay kasunod ng pagdakip sa 1,316 na pawang undocumented umanong Chinese worker sa casino nito.
Sabado ng gabi nang ihayag ni Philippine National Police Chief (PNP) Ronald Dela Rosa na ipinaaaresto ni Pangulong Duterte si Lam dahil sa bribery at economic sabotage.
“There is such a thing as warrantless arrest for continuing offense,” sabi ni Aguirre.
Sinabi ni Aguirre na ang pag-o-operate ng illegal gambling ay isang continuing offense at maaaring arestuhin ang sangkot dito kahit walang warrant.
Ayon sa kalihim, posibleng ang PNP o ang National Bureau of Investigation (NBI) ang magsasampa ng kaso laban kay Lam sa Department of Justice (DoJ).
Si Lam ang Macau-based businessman na operator sa online gaming sa Fontana Clark Casino sa Pampanga.
BRIBERY ITINANGGI
Kaugnay nito, bumalik naman sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang Chinese na naaresto sa Clark at na kabilang sa sinasabing tumakas, ngunit itinanggi ng dayuhan ang alegasyon na siya’y sadyang pinatakas ng kanilang bantay matapos suhulan ito.
Sinabi ni Liang Kun, 24, sa mga opisyal ng BI na umalis siya sa holding facility ng Fontana convention center nitong Miyerkules dahil gusto niyang maligo at magpahinga sa tinitirahan niyang villa.
Itinanggi ni Kun na nagbigay siya ng pera kapalit ng kanyang kalayaan. Sinabi niyang wala siyang iba pang kasamahan sa villa at hindi rin umano niya alam ang kinaroroonan ng 26 na iba pang tumakas sa pasilidad.
“It appears from his testimony that the motive for his escape was simply to get away from the discomforts of the holding facility which was overcrowded and had no sleeping provisions and return to the comforts of his own bedroom in the villa,” pahayag ng tagapagsalita ng BI na si Atty. Ma. Antonette Mangrobang.
Kumpiyansa ang BI na magsisibalik din ang 26 na Chinese na tumakas sa pasilidad. (Beth Camia at Mina Navarro)