Atlanta Hawks, gutay sa Raptors; Celts at Blazers umarya.

TORONTO, Canada (AP) – Habang tumatagal, lumulupit ang Toronto Raptors.

Nasungkit ng Raptors, sa pangunguna ni Demar DeRozan na kumana ng 21 puntos, ang ikaanim na sunod na panalo sa dominanteng 128-84 tagumpay kontra Atlanta Hawks Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) sa Air Canada Centre.

Kinailangan ni DeRozan na maisalpak ang anim na field goal sa laro para lagpasan ang record ni Vince Carter para sa ikalawang may pinakamataas na field goal sa kasaysayan ng prangkisa.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nadomina ng Toronto ang Hawks sa bawat quarter kung saan naitarak ng Raptors ang 62-47 bentahe sa halftime. Sinimulan ng home team ang final period sa matinding 14-3 run.

Bukod kay DeRozan, pitong Raptors pa ang umiskor ng double digits, kabilang si Kyle Lowry na kumubra ng 17 puntos, walong rebound at walong assist.

Hindi nakalaro sa Hawks ang star forward na si Paul Millsap (sore left hip), at nanguna sina Denis Schroder at Tim Hardaway Jr. na humataw ng tig-15 puntos, habang kumana si Dwight Howard ng 10 puntos at 17 rebound.

CELTICS 107, SIXERS 106

Sa Philadelphia, dismayado ang home crowd nang maungusan ng Boston Celtics ang Sixers.

Ratsada si Isaiah Thomas sa natipang 37 puntos, habang kumawala si Avery Bradley para sa 20 puntos at angkinin ng Celtics ang ikalawang sunod na panalo at ika-12 sa 20 laro.

Naisalpak ni Marcus Smart ang dalawang free throw mula sa foul ni Hollis Thompson bago nakaganti ng three-pointer si Ersan Ilyasova para maidikit ang iskor sa 103-105.

Muling umabante ang Celtics sa 107-103 matapos ang dalawang free throw ni Al Horford mula sa foul ni Nik Stauskas bago muling nabuslo sa raibow area si Ilyasova para sa final count.

Nanguna si Ilyasova sa Sixers sa natipang 18 puntos, habang humugot ng double-double – 21 puntos at 12 rebound – si Dario Saric.

BLAZERS 99, HEAT 92

Sa Portland, nagsalansan ng 19 puntos si Damian Lillard para sandigan ang Trail Blazers kontra Miami Heat.

Tumipa ng tig-17 puntos sina Maurice Harkless at CJ McCollum para sa ikalawang sunod na panalo ng Portland at ika-11 sa 21 laro.

Naputol ang two-game winning streak ng Heat sa kabila ng impresibong laro ni Hassan Whiteside na kumana ng 28 puntos at 16 rebound.

Nag-ambag si Goran Dragic ng 18 puntos para sa Miami bumagsak sa 7-13.

MAVS 107, BULLS 82

Umeksena ang Western Conference cellar-dwelling Mavericks nang siluhin ang Chicago Bulls.

Pinangun ahan ni Wesley Matthews na kumubra ng 26 puntos ang ratsada ng Mavericks, umabante sa pinakamalaking 17 puntos tungo sa dominanteng panalo at ikaapat sa 19 na laro.

Nag-ambag si Harrison Barnes ng 22 puntos para sa Mavericks Nanguna sa Bulls si Jimmy Butler na may 26 puntos.

Hindi naglaro si Dwyane Wade, umiskor ng 24 puntos sa panalo kontra Cavaliers.

Sa iba pang laro, ginapi ng Utah Jazz, sa pangunguna ni Gordon Hayward na kumana ng 32 puntos, ang Denver Nuggets; at naungusan ng Memphis Grizzlies ang Los Angeles Lakers, 103-100.