Kinasuhan na ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang dalawang suspek na umaming responsable sa tangkang pambobomba sa United States (US) Embassy sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila noong Lunes.
Ayon kay Police Sr. Supt. Joel Coronel, director ng MPD, sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives sina Rayson Kilala, alyas “Rashid”, 34, ng Bagumbayan, Bulakan, Bulacan; at Jiaher Guinar, 30, ng Marawi City, kapwa miyembro ng Ansar Khalifa, na kaalyado ng Maute terror group.
Dakong 7:00 ng gabi kamakalawa nang isalang sa inquest proceeding si Guinar sa Caloocan City Prosecutors Office, habang si Kilala ay in-inquest sa Bulacan Provincial Prosecutors Office.
Una umanong tinangkang pasabugin nina Kilala at Guinar ang isang Toyoto Revo sa Luneta ngunit hindi ito sumabog kaya iniwan na lamang ang bomba sa isang basurahan sa tapat ng US Embassy na nadiskubre ng isang street sweeper.
(Mary Ann Santiago)